Martes, Marso 10, 2026

"Happy Women's Day!", ani tennis star Alex Eala

"HAPPY WOMEN'S DAY!", ANI TENNIS STAR ALEX EALA
talagang kayhusay / ni Alex Eala
‎‎noong si Coco Gauff / ay tinalo niya
mapagpakumbaba / ang ating atleta
nang magtalumpati'y / binati ang ina
‎at iba pang ina, / sa kababaihan 
‎nag-Happy Women's Day, / sadyang kainaman
‎inspirasyon siya / ngayon nitong bayan
‎nang dahil sa mga / napagtagumpayan
‎kaya taas-noo / akong nagpupugay
‎kay Alex Eala, / inspirasyong tunay
‎bagong sports hero / ang atletang Pinay
‎mabuhay ka, Alex! / mabuhay! mabuhay!
‎ksysarap marahil / maglaro ng tennis
‎sa palo ng bola'y / di dapat magmintis
‎dapat araw-araw / talagang magpraktis
raketa't pagpalo'y / gamaying mabilis
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026
‎* litrato mulâ sa ABS-CBN News sa fb

Kaharapin ma'y kahirapan

KAHARAPIN MA'Y KAHIRAPAN
‎tibak akong naninindigan
‎para sa pag-unlad ng bayan
‎ngunit di para sa iilan
‎kundi para sa panlahatan
‎kaytagal kong pinagnilayan
‎ang prinsipyo't pasya kong iyan
‎sama-samang kilos ng tanan
‎sama-sama ang taumbayan
‎wakasan na nating tuluyan
‎ang kabulukan ng lipunan
‎iyan ang prinsipyo kong tangan
‎kaharapin ma'y kahirapan
‎dapat ay walang naiiwan
‎may panlipunang katarungan
‎ginagalang ang karapatan
‎itayo'y patas na lipunan
‎wakasan na ang kurakutan
‎pati dinastiya't gahaman
‎paunlarin natin ang bayan
‎panlahat, di para sa ilan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026