Biyernes, Marso 29, 2019

Ang tula sa lapida ni Ben Tumbling

ANG TULA SA LAPIDA NI BEN TUMBLING
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nuong nakaraang Marso 28, 2019, nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa programa ng ABC5 na: "Tsismis Noon, History Ngayon" sa https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4, nasa 11:14 (11 minutes, 41 seconds) ng video sa kabuuang 14:22. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra.

Naaalala ko si Ben Tumbling, hindi dahil kilala ko siya, o napanood ko sa sine ang pelikulang Ben Tumbling na pinagbidahan ni Lito Lapid. Kundi dahil tinalakay siya ng pari sa aming kapilya sa elementaryang pinasukan ko. Biyernes iyon, huling araw ng aming klase, at may misa tuwing Biyernes. Grade 6 ako noon, nang sa homily ng pari ay binanggit niya ang pagkapaslang kay Ben Tumbling ng madaling araw at napakinggan niya sa radyo. Kalat na kalat ang balitang napatay na ang kilabot na kriminal na si Ben Tumbling. At mula roon hinugot ni Father ang kanyang sermon.

Hinalungkat ko sa internet ang litrato ng lapida ni Ben Tumbling na binanggit ni Lourd de Veyra. Nagkainteres ako dahil sa hilig ko rin naman ang pagtula. At pangarap kong sa aking lapida, pag namatay ako, ay mayroon ding tula. Ang una kong nahanap ay may bandalismo. Kaya inilabas ko ang katanungang "Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?" sa facebook. Ang unang tumugon ay si kasamang Jilbert. Aniya: "Puntahan natin greg, Alam ko sa tugatog cementery malabon Yan nkahimlay c Ben tumbling". Ang ikalawang tumugon ay si kasamang Jhuly. Nagpadala siya ng malinaw na litrato ng lapidang kinauukitan ng tula kay Ben Tumbling. Salamat, kas Jhuly, sa maagap mong tugon. 

Ipinadala niya ang malinaw na litrato ng liriko ng tula. Subalit nais ko pa ring puntahan ang sinabi ni kasamang Jilbert upang makita ko mismo ng personal ang lapida (na sana’y wala nang bandalismo).

Edad 23 lang pala siya nang mapatay. Sa tulang ito sa lapida ni Benjamin Garcia, aka Ben Tumbling, makikitang ang makatang nagsulat ng tula ay maalam sa tugma at sukat, pagkat ang tula ay binubuo ng labingdalawang pantig bawat taludtod at may tugma. 

Pati ang sesura ay sakto sa ikaanim na pantig. Sinong makata kaya ang nagsulat ng tulang itong alay kay Ben Tumbling? Marahil, makatang taga-Malabon din, ngunit hindi kilalang makata. O baka sikat na makata ngunit ayaw amining siya ang sumulat ng tula’t baka balikan siya ng mga nakalaban ni Ben. 

Marahil ang makata'y wala sa toreng garing tulad ko ngunit makamasa. Ako nama'y kumakatha ng tula hinggil sa manggagawa, maralita, mga pinagsasamantalahan ng sistema, at iba pang sagigilid at aping saray ng lipunan. Dapat ba'y nasa toreng garing ang mga makata? Gayunpaman, narito ang kabuuan ng tula sa lapida.

BEN TUMBLING

IKAW BA'Y MASAMA O ISANG DAKILA
BAKIT BA MARAMI ANG SAYO'Y HUMANGA
MGA MATATANDA, DALAGA AT BATA
SA PAGKAMATAY MO'Y AYAW MANIWALA

BAKIT DI MARINIG SA BIBIG NG TAO
NA KAY BEN GARCIA'Y NAPOPOOT AKO
BAKIT SI BEN TUMBLING AY NAGING IDOLO
GAYONG SA BALITA AY PUSAKAL ITO

BAKIT BA KAYRAMI ANG MGA NALUNGKOT
NG ANG IYONG BUHAY AY AGAD NA NATAPOS
AT BAKIT MARAMING NAGMAGANDANG LOOB
NAG-ABULOY SAYO NG KATAKOT-TAKOT

ANG ALAALA MO AY MAGIGING ARAL
SA TAGA-MALABON AT KARATIG BAYAN
ANG DALANGIN NILA KUNG NASAAN KA MAN
SANA AY KAMTIN MO ANG KAPAYAPAAN

BENJAMIN M. GARCIA (HUNYO 7, 1957 - MARSO 13, 1981)