MANY KRISIS ANG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
tadtad pa rin ng krisis itong masa
na pansamantala lang pinakalma
tunay ngang pasko'y isang anestisya
nang krisis ay sandaling di madama
upang pagkatapos ng kapaskuhan
patuloy pa rin itong tunggalian
pansamantala lang hinimasmasan
ng bolerong pasko nitong gahaman
lakas-paggawa'y di bayarang tama
mumo pa rin ang pagkain ng dukha
marami pa ring sa gutom tulala
paskong-pasko, dukha'y kinakawawa
API SA NEW YEAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
nagbago lang ang petsa'y nagsaya na
gayong api pa rin naman ang masa
nawala ba ang pagsasamantala
sa pagkakapalit ng bagong petsa
anong meron diyan sa bagong taon
may bago kayong new year's resolution
habang nakaamba ang demolisyon
at patuloy ang kontraktwalisasyon
bagong taon, lumang sistema pa rin
tumaas na ang presyo ng pagkain
manggagawa'y nagdaralita pa rin
api pa rin ang marami sa atin