Lunes, Mayo 3, 2021

Katha lang ng katha

di na rin makasali sa anumang paligsahan
wala ring mapagsulatang anumang pahayagan
grupo-grupo kasi, anang makatang kaibigan
kung sinong kakilala ang mayroong karangalan

subalit ako'y di naman talaga sumasali
nadala na ako kay Rio Alma sa sinabi
pulos social realism daw ang aking putahe
at sumasalamin sa mga katha ko't diskarte

tanggap ko naman ang kanyang mga sinabing sadya
ngayon nga'y isa lang akong makatang maglulupa
naglilingkod sa pambansang samahang maralita
kasama rin sa pakikibaka ng manggagawa

di man sumasali sa paligsahan ng pagsulat
bagamat dating nagpasa sa Palanca't inalat
mabuting magsulat ng tula kung may mamumulat
at kung may magbabasa ng aking mga sinulat

kumakatha di upang manalo sa paligsahan
kundi ang magsilbi sa pagbabago ng lipunan
katha lang ng katha, iyon ang aking panuntunan
at bakasakaling may ambag sa kinabukasan

- gregoriovbituinjr.

Pagtambay sa kapehan

PAGTAMBAY SA KAPEHAN

ako'y nagkape muna't si misis ay hinihintay
upang sunduin sa trabaho habang nagninilay
ng samutsaring paksa't pagsusulat ng sanaysay
mainit-init pa ang kape'y hihiguping tunay

minsan, sumasagot ng palaisipang Tagalog
o kaya'y magbabasa ng mga librong di bantog
maya-maya'y tatawag na ang mutyang sinta't irog
upang ako'y puntahan niya't siya'y papanaog

at kami'y magkakapeng sabay doon sa kapehan
ngunit naka-social distancing pa rin sa upuan
bawal kasing magtabi at baka magkahawaan
kahit na laging magkatabi sa silid-tulugan

kaysayang magkape lalo't kaytamis at kaysarap
habang kasama ang diwata sa bawat pangarap
di mo mararamdaman ang nararanasang hirap
dahil sa pandemyang di mabatid ang hinaharap

maraming salamat, nakakatambay sa kapehan
kaysa naman patulog-tulog doon sa pansitan
sa kapeng mainit, gising na gising ang kalamnan
at maraming paksang pagulong-gulong sa isipan

- gregoriovbituinjr.

Masarap na Hawaiian dish


MASARAP NA HAWAIIAN DISH

sa T.V. nga, Hawaiian dish ay makatawag-pansin
nakakatuwang pakinggan ang kanilang lutuin
masarap kaya ito kung sakaling papapakin
aba'y talaga naman, mukhang kaysarap kainin

pinaksa sa telebisyon ang kultura sa Hawaii
pati iba't ibang lugar doon ang natalakay
pinanood, pinakinggan, ngayon ay nagninilay
nakatingin sa kisameng nangangarap ng husay

ngunit di ko pa napuntahan ang lugar na iyon
na kayrami raw naggagandahang tanawin doon
kung may pera lang ay masarap doong magbakasyon
doon magsusulat ng mga panibagong hamon

berde rin ang utak nitong naglagay ng pamagat
na sa taga-Hawaii ay karaniwan lang na sulat
subalit sa Pinoy, kahulugan nito'y dalumat
na ngingiti ka na lang upang ikaw ay kumagat

Oh, kaysarap ng Hawaiian dish, nais kong matikman
na baka rito'y katumbas ng kalamay o suman
ngunit sa tanda ko nang ito, ako'y mahihirapan
Hawaiian dish na ito'y hahanapin dito na lang

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha mula sa Unang Hirit ng GMA7, 05.03.2021

Dapat daw nating i-monitor ang sarili

DAPAT DAW NATING I-MONITOR ANG SARILI

wala raw social distancing ang nakita sa T.V.
yaon daw mga nagsidalo sa Labor Day rally
kaya Kagawaran ng Kalusugan ay nagsabi
nagpaalalang i-monitor natin ang sarili

walang masama, tama lamang ang magpaalala
upang malayo tayo sa nakaambang sakit pa
na sa buong mundo'y patuloy na nananalasa
salamat, tungkulin n'yong magpaalalang talaga

subalit araw-araw nang tayo'y nasa panganib
nariyan ang gutom, kahirapan, saanmang liblib
ngayon, nahaharap sa sakit na naninibasib
na pag-aalaga sa sarili'y talagang tigib

sino bang gustong lumabas upang magkasakit lang
dahil Mayo Uno ito'y lumabas ng lansangan
sa Araw ng Paggawa sa buong sandaigdigan
upang ipahayag ang prinsipyo't paninindigan

gayunman, salamat po sa paalala, salamat
i-monitor ang sarili'y tama at nararapat
kung may lagnat, magpatingin na't baka pa mabinat
ayaw nating maghawahan, lalo't buhay pa'y salat

- gregoriovbituinjr.

Paalala sa nagkilos-protesta

PAALALA SA NAGKILOS-PROTESTA

nanood ako ng balita nang ito'y makita
tungkol sa Labor Day ngunit balita'y di maganda
ayon sa ulat, mga kasama, nagpaalala
itong Department of Health sa mga kilos-protesta

nagbabala silang super spreader daw ng virus
ang malalaking event tulad ng ating pagkilos
bagamat dinisiplina naman natin ng maayos
ang ating hanay, social distancing, ginawang lubos

ngunit alam nating di naman nakasunod lahat
dahil may mga pulis na hinarang tayong sukat
pinaalis, pinagtabuyan, naging kalat-kalat
at isa iyong katotohanang nagdudumilat

kaya nating mag-social distancing, iyon ang plano
at maipakitang hanay natin ay disiplinado
Araw ng Paggawa iyon, daming tiyak dadalo
kaya nanawagan ding layu-layong isang metro

di tayo nagkulang kung di lang pulis ay nangharang
sa atin upang Araw ng Paggawa'y ipagdiwang 
gayunman, salamat sa paalala't mayroong hakbang
kaming nasa rali upang sakit ay maiwasan

- gregoriovbituinjr.
05.03.2021