PAGTAHAK SA LANDAS NA MAKITID
(sa unang anibersaryo ng umpisa ng Climate Walk)
13 pantig bawat taludtod
makitid pa noon ang landas na tinahak
kahit lantaran na ang mga pagkawasak
ng kalikasan at kayraming napahamak
sa delubyo't unos, nagsigulong sa lusak
at sa kasiphayuan ang puso'y nagnaknak
ito ba'y gawa ng sistemang mapangyurak?
ano't nangyari'y kapahamakang dumating
naglaho na ang mga ngiti't paglalambing
nasagip ay di alam kung saan susuling
pagkat gunita'y laging nasa salamisim
na dama'y takot, di matingkalang rimarim
sa nag-ibang klima'y kailan magigising
makitid pa ang landas na tinahak noon
sa delubyo'y kayraming katawang nabaon
bakit nagbabago na ang timpla ng panahon
mula Maynila'y sa Tacloban pumaroon
upang ipahayag sa lakad matalunton
sa nagbabagong klima'y paano tutugon
ang poot ni Yolanda'y pilit inaarok
mga nangyari'y walang lasa't di malunok
ang hiyaw: Climate Justice Now! noong Climate walk
landas na makikitid ay pawang pagsubok
di pa magluwag, ayaw pa ng nasa tuktok
pinagtutubuan pa ang sanlaksang usok
tinatahak pa ang landas na makikitid
nakakasalubong pa'y kayraming balakid
ngunit nagkaisa ang mga kaPAAtid
sa lahat, ang Climate Justice na'y ipabatid
sa isyung klima'y di na dapat maging umid
kayrami mang pagsubok na sala-salabid
- gregbituinjr, 02 Oktubre 2015