Miyerkules, Enero 7, 2026

Parang lagi akong nagmamadali

PARANG LAGI AKONG NAGMAMADALI

madalas, animo'y nagmamadali
na sa bawat araw dapat may tula
parang oras na lang ang nalalabi
sa buhay ko kaya katha ng katha

palibhasa'y pultaym ang kalagayan
bilang tibak na Spartan, maraos
lang ang araw at gabing panitikan
kung ang mga dukha'y walang pagkilos

kung may pera lamang sa tula, tiyak
may pambayad sa tubig at kuryente
bayaran ang utang na sangkatutak
bilhin ang gustong aklat sa estante

subalit tula'y bisyong walang pera
kahit mayaman sa imahinasyon
sadyang dito'y walang kita talaga
makata'y maralita hanggang ngayon

sana'y makatha ko pa rin ang plano
kong nobelang kikita ng malaki
pangarap na pinagsisikapan ko
iyon man lang ay maipagmalaki

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/16i2vk7xMX/ 

Ang diwatang si Makabósog

ANG DIWATANG SI MAKABÓSOG

may diwatang ngalan ay Makabósog
na nagpapakain sa nagugutom
lalo't dukha'y nais niyang mabusog
kaysa kinakain ay alimuom

kayraming mga pulubi sa daan
namamalimos at bukas ang palad
halal na trapo'y walang pakialam
nakikita na'y di magbukas palad

pagkat di nila batid kung botante
ang pulubi nang ayuda'y mabigyan
di tiyak na iboto ng pulubi
kaya kanilang pinababayaan

si Makabósog ay nasaan kayâ
nasa lumang lipunang Bisayà ba?
walâ bang kamatayan ang diwatà?
kung namatay, buhayin natin sila!

buhayin sa mga kwento't alamat
nitong bayan at gawing inspirasyon
mga dukha'y magsikap at magmulat
upang may makain ang nagugutom

hanggang bulok na sistema'y baguhin
ng nagkakaisang dukha't obrero
ang pagsasamantala'y papawiin
itatayo'y lipunang makatao

- gregoriovbituinjr
01.07.2026

* Makabosog - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.558

Haring Bayan

HARING BAYAN

Napanood ko nitong Nobyembre 27, 2025 sa UP Film Center ang palabas na Lakambini, hinggil sa talambuhay ng ating bayaning si Gregoria de Jesus, o Oriang.

May tagpo roon na nang dumalaw si Gat Andres Bonifacio sa isang bayan, may sumisigaw roon ng "Mabuhay ang Supremo! Mabuhay ang Hari ng Bayan!"

Na agad namang itinama ni Gat Andres. "Haring Bayan!"

Inulit uli ng umiidolo sa kanya ang "Mabuhay ang Hari ng Bayan!" At itinama uli siya ng Supremo, "Haring Bayan!"

Mahalaga ang pagwawastong ito. Walang hari sa Pilipinas. Ang tinutukoy ni Bonifacio na hari ay ang malayang bayan, ang Haring Bayan o sa Ingles ay Sovereign Nation, hindi King of the Nation.

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

Aralin ang bilnuran - tanaga-baybayin

aralin ang bilnuran
upang sa sukli't bayad
sa dyip na sinasakyan
matiyak tamang lahat

gbj/01.07.2026

* bilnuran - aritmetika
* ambag sa proyektong tanaga-baybayin