Sabado, Abril 1, 2023

DI + D = MI

DI + D = MI

sa krosword, akala ko'y kung ano
nasulat ay DI, HINDI ba ito?
bakit may + D, di ko matanto

ang sagot dito'y dalawang titik
tanong yaong tila anong bagsik
hanggang sa diwa ko'y may sumiksik

napagtanto ko rin naman, aba
Roman Numeral ang mga letra
five hundred one plus five hundred pala

ah, walang hiwagang nababalot
kaya ako'y di na nagbantulot
one thousand one, M.I. na ang sagot

tanong na sa diwa'y nagpahulas
di agad kita sa biglang malas
krosword nga talaga'y pampatalas

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023

Pananghalian

PANANGHALIAN

dapat tayong magpalakas
kaya laging naggugulay
inulam man ay sardinas
may mustasa ring kasabay

pampalusog ang mustasa
na hanap ko sa tuwina
doon sa may karinderya
na pagkaluto'y malasa

tanghalian ngayong araw
mustasa'y laga, may sabaw
pampaliksi sa paggalaw
pampaayos ng pagtanaw

tara nang mananghalian
bagamat simple ang ulam
lalakas na ang katawan
tatalas pa ang isipan

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023

Paggigitara

PAGGIGITARA

pinag-aaralan ko na ang maggitara
nang kathang tula'y malapatan ng musika
sa ngayon ay patipa-tipa na lang muna
hanggang sa pagtugtog ay masanay talaga

dapat lapatan ng tono ang mga tula
aralin ang gitara habang tumatanda
kung magkakalyo ang daliri'y maging handa
na tiyak daranasin ng abang makata

nawa'y makalikha rin ng sariling awit
na isyu ng manggagawa't dukha ang bitbit
na may pagkalinga sa babae at paslit
na lipunang makatao'y maigigiit

di na lang tutula sa raling dinaluhan
aawit na sa entablado ng lansangan
pagkatha't paggigitara'y pag-iigihan
na sa pagtanda'y may nagawa pa rin naman

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023

Tarang magkape

TARANG MAGKAPE

pakape-kape, pasulat-sulat
kinakatha'y kwentong mapagmulat
o tulang ang paksa'y di mabigat
ang mahalaga'y nadadalumat

tara, tayo naman ay magkape
habang nagtatanggal ng bagahe
sa dibdib, akda ba'y may mensahe
kahit ito'y ginawa nang simple?

pag ang paksa'y mabigat sa dibdib
sa pagdurusa'y talagang tigib
sumisingasing, naninibasib
buting magkape muna sa liblib

kaya minsan, magrelaks-relaks din
at ang kapaligiran ay damhin
pulos polusyon pa ba ang hangin
magsulat nga kaya sa bukirin

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023

Mali na naman ang tanong

MALI NA NAMAN ANG TANONG

sa unang tingin pa lang, alam kong wala nang sagot
pagkat hindi divisible by three ang seventy-six
gamitan mo man ng calculator, mapapakunot
walang whole number o integer na sagot, kaybagsik

kaya heto, Aritmetik ay ganyan ko iniwan
may sagot ito ngunit decimal o kaya'y fraction
eh, di iyon ang kahingian ng palaisipan
di pwedeng sagot ang twenty-five point three, three, three doon

ang Aritmetik ba'y di ineedit ng patnugot
o editor ng dyaryo, kunot-noo na lang ako
kung ineedit naman, bakit ganyan ang inabot
o dahil April Fool's Day, kaya nabiktima tayo

gayunman, salamat sa Aritmetik, anong saya
sa libreng oras ko'y nakapaglibang nga talaga

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023

Unang madaling araw ng Abril

UNANG MADALING ARAW NG ABRIL

madaling araw na naman, muli akong nagising
kaya agad minasdan ang talang bibitin-bitin
mayroong nagpadilat sa aking pagkakahimbing
na di ko mawari sa pagtingala sa bituin

April Fool's Day daw ngayon, bakit iyon ang taguri
magsisilang na ba ng sanggol ang inang naglihi
mapalago ko kaya ang itinanim kong binhi
unang madaling araw ng Abril, di ko mawari

muli'y kaharap ko na naman ang kwaderno't papel
habang nagninilay ano bang mayroon sa Abril
mayroong Earth Day, pag-init ng klima'y di mapigil
sa diwa'y climate emergency yaong umukilkil

tara na, salubungin ang Abril nang may pangarap
na ang ating kabuhayan ay di sisinghap-singhap
na ang asam na ginhawa'y atin ding malalasap
habang narito pa ring patuloy na nagsisikap

- gregoriovbituinjr.
04.01.2023