Martes, Hulyo 22, 2025

Ang mabuting kapitbahay

ANG MABUTING KAPITBAHAY

ang mabuting kabitbahay ba'y tulad
ng isang mabuting Samaritano?
matulungin sa kapwa't komunidad?
at tunay siyang nagpapakatao?

pagkat di nagkakalat ng basura
sa bakuran ng kanyang kapitbahay
malinis sa kapaligiran niya
kalat ay sa tama inilalagay

at kung kaybuti ng pakikitungo
ng kapitbahay sa kapwa't paligid
ay kaygandang bukas ang mahahango
kabutihan iyong di malilingid

subalit di para sa karangalan
o makatanggap ng anumang gawad
o kaya'y mapuri ng taumbayan
o sumikat, makilala ang hangad

marapat ay tahimik nating gawin
dahil batid nating iyon ang tama
magpakabuti, kahit di purihin
wasto'y gawin sa paraang payapa

- gregoriovbituinjr.
07.22.2025

Marubdob

MARUBDOB

ngayon nga ako'y nagkukumahog
sapagkat araw na'y papalubog
mga gulay sana'y di malamog
at ang tinapay ay di madurog

nakikiramdam lamang sa unos
habang mga tubig umaagos
tikatik ay kaylaki ng buhos
sa balat ko'y tila umuulos

kaytagal ko ritong nakatanghod
ay wala pang nalikhang taludtod
rumaragasa na sa alulod
sa kwento'y anong saysay at buod

buti't diwa sa libro sinubsob
kalabaw naman ay nakalublob
sa putikan, habang nakalukob
sa aking kinakathang marubdob

- gregoriovbituinjr.
07.22.2025