Martes, Marso 31, 2020

Kaligaligan

KALIGALIGAN

narito tayo sa panahong di inaasahan
maririnig sa balita'y pawang kaligaligan
nakaamba ang panganib na di namamalayan
na idinulot sa iba'y tiyak na kamatayan

tayo'y magpalakas, uminom ng maraming tubig
kapaligiran ay linisin, maging masigasig
sa midya sosyal na rin lang muna magkapitbisig
sa facebook at twitter dinggin bawat pintig at tindig

kapanganiban ang dito sa mundo'y bumabalot
lalo't nahaharap sa sitwasyong masalimuot
sa ugnayan pa ng tao'y pagkawasak ang dulot
social distancing muna, saan ka man pumalaot

nakatanaw pa rin sa malayo, ang bulsa'y butas
sunod na henerasyon ba'y may maganda pang bukas
iyang sakit bang naglipana'y kaya pang malutas
gawin natin ang dapat bago pa tayo mautas

- gregbituinjr.

Huwag plastik

basahin mo naman ang karatula: Huwag Plastik!
sa tamang lagayan, basura'y ilagay, isiksik
gawin ito anuman ang aktibidad mo't gimik
upang di ka masita ng malambing o mabagsik

halaman ay di tapunan ng upos o basura
di rin tapunan ng busal ng mais ang kalsada
kung walang basurahan, isilid muna sa bulsa
huwag simpleng magtapon dahil walang nakakita

magresiklo agad, sa madla'y ating ipatampok
ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok
ibang tapunan ng upos na nakasusulasok
at iba rin ang basurang medikal at panturok

abisong ito'y kaydaling unawain at gawin
na sana naman ay huwag ninyong balewalain

- gregbituinjr.

Halina't magresiklo

sa pagtatapon pa lang ng basura'y magresiklo
pagbukud-bukurin mo na agad ang basura mo
simpleng payo, madali lang, di mo ba kaya ito
gayong nag-aral ka naman at napakatalino

ang karton at papel ay sa asul na basurahan
lata, aluminum o metal sa pulang lagayan
itapon mo naman ang mga plastik sa dilawan
residwal o latak ay sa basurahang luntian

tayo'y magtulungan sa paglilinis sa paligid
napakasimpleng bagay na alam kong iyong batid
ang bansang tahanan ay di dapat nanlilimahid
salamin ng pagkatao, mensaheng ito'y hatid

halina't magresiklo, basura'y ibukod-bukod
ang kalinisan sa bayan ay ating itaguyod

- gregbituinjr.

Kwento at kwenta ng buhay

Kwento at kwenta ng buhay

kaibigan, di mo alam ang kwento ng buhay ko
kaya bakit ako'y basta na lang hahamakin mo
nakabase ka sa itsura ng aking pantalon
na kaiba sa sinusuot mong estilong baston

akala mo ba'y nakakatuwa ang kahirapan
di ba't mas nakakatuwa nga ang maging mayaman
may pera nga ngunit lagi namang kakaba-kaba
baka raw makidnap o maholdap, isip ay dusa

akala mo ba'y nasanay na akong naghihirap
kaya tingin mo sa aki'y taong aandap-andap
may kwento, walang kwenta, at tatawa-tawa ka lang
tila baga ako'y ilang ulit mong pinapaslang

di mo alam ang kwento ng buhay ng kapwa natin
kaya bakit pagtatawanan sila't hahamakin
di ba't mas maganda mong gawin ay sila'y tulungan
kaysa ang karukhaan nila'y iyong pagtawanan

- gregbituinjr.