NAGKALAT ANG BASURA SA RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
madalas ang rali'y nagmimistulang pyesta
dahil sa nangaglipanang mga basura
na iniwan doon ng mga raliyista:
polyeto, bote, basong plastik, at iba pa
tapon dito't doon, kaylaking basurahan
ang tingin nila sa malapad na lansangan
tapon kung saan-saan, walang pakialam
di baleng marumi't may maglilinis naman
di ba't nais nilang mabago ang sistema
nangangarap na bumuti ang ekonomya
igalang ang karapatan ng bawat isa
ngunit bakit ba sila'y walang disiplina
munting basura'y tapon doon, tapon dito
kaya tingin ng iba sa rali'y magulo
at ang tingin sa raliyista'y walang modo
kilusang masa'y paano irerespeto
di ba kasama dapat itong disiplina
sa tangan-tangan nilang ideyolohiya
di maitapong tama ang simpleng basura
bagong sistema pa itong pangarap nila
disiplina'y simulan natin sa sarili
upang kahit gobyerno'y hindi maging bingi
ipakitang kahit pa tayo'y nasa rali
disiplinado tayo't nakakaintindi
kaydaling sabihan ng lider ang kasama
na itapong diretso ang basura nila
sa basurahan o kaya'y ibulsa muna
ipakitang raliyista'y may disiplina
itapon ang basura huwag sa lansangan
kundi doon lamang sa mga basurahan
kung disiplinado lang tayo'y tiyak namang
ang bagong sistema'y kayang pamahalaan