PIGTAL NA ANG AKING TSINELAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kanina lang, napigtal ang aking tsinelas
ngunit di ko naisip bumili ng bago
maingat kong dinugtong, nilagyan ng butas
at tinahi sila nitong plastik na istro
kaya tsinelas na ito pa'y nagagamit
sa pang-araw-araw kahit ito na'y luma
patuloy na lingkod at walang hinanakit
kaya ramdam pa ng paa ko ang ginhawa
kung napigtal na, isa ba'y itatapon mo
habang ang kabika'y maiiwan kung saan
di dapat mawalay yaong kabika nito
tulad sa pag-ibig, meron ding katapatan
kapara ng babaeng pinakamamahal
walang silbi yung isa kung wala ang isa
kaya pilit kong pinagdugtong ang napigtal
kaysa isang kabika'y wala nang kasama
may bago mang tsinelas, hahanapin pa rin
ang dating tsinelas na kinasasabikan
pagkat ito'y naglingkod ng tapat sa akin
na dapat ding suklian ko ng katapatan
kung sakaling mapigtal muli ang tsinelas
kung isa'y itatapon, itapon nang sabay
pagsamahin silang dalawa hanggang wakas
hanggang sa libingan, di sila magkawalay