Biyernes, Agosto 6, 2010

Dugong Bughaw at Dugong Pula

DUGONG BUGHAW AT DUGONG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dugong bughaw ang mga maharlika
ganito inilalarawan sila
ng ninuno, sa aklatan, historya
ngunit bakit bughaw ang dugo nila

kung ang dugo ng masa'y kulay pula
at bughaw ang dugo ng maharlika
isa'y tao, di tao ang isa pa
bathala kaya yaong ikalawa

dugong bughaw ba itong elitista
kaya parang bathala kung umasta
di makipagkapwa-tao sa masa
dahil tingin sa sarili'y dyos sila

dugong bughaw ba ang kapitalista
kaya tingin sa tao'y walang kwenta
bughaw rin ba ang dugo ng burgesya
kaya sa tao'y mapang-api sila

nauso ang katagang dugong bughaw
upang ang masa'y tuluyang iligaw
na tao rin ang burgesyang bakulaw
at mga elitistang asal-tungaw

kaytagal na pala tayong inuto
ng mga dugong bughaw na palalo
na nais lamang sa atin ay tubo
kaya tayo'y kanilang dinuduro

dugong pula ang uring manggagawa
silang mga taong kinakawawa
di tulad ng burgesyang walang awa
pula ang dugo ng lakas-paggawa

dugong pula ang karaniwang tao
na pakikipagkapwa'y taglay nito
di tulad ng mga dyos-dyosan dito
di marunong makipagkapwa-tao