Huwebes, Agosto 2, 2012

Tahanan Niya'y Kariton



TAHANAN NIYA'Y KARITON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

lagalag sa lipunan, wala silang tahanan
kundi yaong karitong nagsilbing pahingahan
ng pagod na katawan na tanging kasama lang
ay yaong kanyang asong subok sa katapatan

nasaan na ang kanyang pamilyang tinatangi
sa kariton na lang ba siya'y mananatili
maaring sa sarili siya'y may pagkamuhi
ang tiyak sa lipunan ay nanggagalaiti

sa lungsod ay napadpad, doon naghanapbuhay
nagbote-dyaryo siya't sa kanyang pagsisikhay
sa bakanteng lupain ay nagtirik ng bahay
higit sampung taon din niyang tahanang tunay

ngunit dumating doon ang may-ari ng lupa
tinuring niyang bahay ay agad pinagiba
tuluyang napalayas at sadyang nakawawa
maliban sa kariton, wala nang lahat, wala

sa kanyang panlulumo'y saan na paroroon
nawalan ng tahanan, binahay na'y kariton
kainan at tulugan, langit ang tanging bubong
umaraw at bumagyo, anuman ang panahon

maraming tulad niyang kariton ang tahanan
libu-libo na sila dito sa kalunsuran
nilubog ng sistema, biktima ng lipunan
tulad nila'y meron pa kayang kinabukasan?


Larawan kuha ni Jayvee Mataro ng grupong Litratista sa Daan