Huwebes, Disyembre 1, 2022

Kataga

KATAGA

pag may salitang biglang sumagi sa isip
o may mga katagang agad nalilirip
natitigilan sa anumang halukipkip
na gawaing animo'y walang kahulilip

minsan nga'y titigil sa pagmomotorsiklo
o kung sa dyip titigil sa pagmamaneho
upang isulat lamang sa isang kwaderno
ang sa diwa'y bumulagang sigwa't delubyo

ah, mahirap nang mabangga kung di titigil
lalo't dumaloy sa isip ay di mapigil
animo ang mga kataga'y nanggigigil
kaya sa diwa'y talagang umuukilkil

mahalaga'y maisulat bago mawala
ang mga dalisdis, kuliglig, sipa't dagta
ng nanalasang katagang di pa humupa
na tila bagyong nagsisayawan sa diwa

- gregoriovbituinjr.
12.01.2022

Luto ni nanay

LUTO NI NANAY

naroong bubulong-bulong
niluto muli ni nanay
ay pawang isdang galunggong
O, ina, wala bang gulay

mula pa nang pagkabata
ay iyan na'y paborito
ulam na ang pritong isda
wala nang ibang ginusto

ngayon, dama'y di matiis
sapagkat siya'y para nang
merong hasang at kaliskis
gayong isda'y inutang lang

ngunit mabuti na iyan
kaysa magutom at wala
bukas, sana'y gulay naman
na talagang pampasigla

maraming salamat, ina
sa kaysasarap mong luto
O, mahal kitang talaga
nang may buo pong pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
12.01.2022