Lunes, Hunyo 23, 2014

Di sila namatay na bigo

DI SILA NAMATAY NA BIGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"They never fail who die in a great cause." Lord Byron

di bigo ang sinumang nag-alay ng buhay
para sa uri, buong buhay ang inalay
bundok ang bigat ng kanilang pagkamatay
sa puso ng mga kasama'y lumalatay
mga nagmamahal ay sakbibi ng lumbay

inilaban ang karapatan ng marami
para sa uri'y di sila nag-atubili
umaraw, umulan, bumaha o kumati
marubdob na hangad nila'y makapagsilbi
sa uri, bayan. at kapwa, sila'y bayani

tangan ang dakilang misyon at adhikain
at nasa puso'y prinsipyadong simulain
nang sa lipunan ay walang inaalipin
nang bulok na sistema'y tuluyang baguhin
at isang lipunang makatao ang kamtin

sila'y bayani't di nangamatay na bigo
pagkat may magtutuloy ng kanilang turo
silang prinsipyo't adhika'y di itinago
nilaan ang oras, talino, pawis, dugo
upang sa sistemang bulok, tayo'y mahango