Miyerkules, Pebrero 21, 2024

Boksingerong anak ni Pacquiao ang isabak sa Paris Oympics

BOKSINGERONG ANAK NI PACQUIAO ANG ISABAK SA PARIS OLYMPICS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Overage na si Manny Pacquiao kaya hindi inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na makuha ang awtomatikong tiket ni Pacquaio upang makalahok sa 2024 Paris Olympic Games sa Paris, sa bansang Pransya. Nasa edad 45 na si Pacquiao habang hanggang 40 anyos ang age limit ng lahat ng boksingerong lalahok sa Olympic Games.

Ikalawa, kailangan din ni Pacquiao na sumalang sa qualifying tournament upang makapasok sa Olympics. Ito'y ayon sa mga balita sa iba't ibang dyaryo at social media.

Matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas sa 2020 Olympic Games, marahil ay saka naisip ni Pacquiao na sumali at katawanin ang Pilipinas sa Olympics. Dahil kung pangarap talaga niya ito, aba'y noong bago pa niya kalabanin si Ledwaba, o noong talunin niya si Barrera ay dapat naisip at pumasok na siya sa boxing team ng Pilipinas sa Olympics. Subalit hindi.

Na-inspire lang marahil talaga siya dahil nakakuha ng dalawang Olympic medals si Diaz, silver medal noong 2016 Rio Olympic at gold medal sa 2020 Tokyo Olympics. Subalit hindi naman masamang magmungkahi kung nais ni Pacquiao na matupad ang kanyang pangarap na makakuha ng medalya sa Olympics.

Ihabol niya ang boksingero niyang anak na si Jimwel na nagboboksing na rin upang sumabak sa Olympic Games. Iyan ang pinakamagandang mungkahi na maaari niyang gawin.

Kumbinsihin ni Pacquiao ang boksingero ring anak niyang si Jimuel na lumaban sa Paris Olympics. Ang kanyang anak ang siyang tutupad sa pangarap ng ama na manalo ng medalya sa Olympics. Ano pa ang hinihintay natin?

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

JIMUEL PACQUIAO ANG ILABAN SA OLYMPIC GAMES

sa Olympic Games ay di na kwalipikado
si Manny Pacquiao, ngunit may alternatibo
ang kanyang anak na isa ring boksingero
ay kumbinsihing "Mag-Olympics ka na, iho"

may ulat pang kampyong si Canelo Alvarez
ang kanyang tagapagsanay kaya mabilis
umunlad sa boksing, tila walang kaparis
sa amatyur man ay nagpakita ng bangis

kaya Manny, si Jimuel, panganay mong anak
sa Paris Olympics Games ay iyong isabak
bagong landas iyon na kanyang matatahak
at sa gabay mo'y di siya mapapahamak

nandyan si Jimuel, bansa'y di na maghahanap
siya ang katuparan ng iyong pangarap
basta sa pagsasanay, siya'y magsisikap
balang araw, gold medal ay kakamting ganap

02.21.2024

Pinaghalawan ng datos:
Balita sa pahayagang Pang-Masa (PM), Pebrero 19, 2024

Si dating Sen. De Lima sa World Day of Social Justice

SI DATING SEN. LEILA DE LIMA SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dumalo sa The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2024 sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Pebrero 20, 2024, araw ng Martes, sa ganap na ikatlo hanggang ikalima ng hapon. Ang panauhing tagapagsalita ay si dating Senadora Leila Mahistrado De Lima.

Dumalo ako dahil palagay ko'y itinaon ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 dahil iyon mismo ay UN-declared World Day of Social Justice. Nang una kong mabatid ang nabanggit na araw ay talagang itinaguyod ko na ito.

Nakasalubong ko ang araw na ito habang nagsasaliksik ng araw na inideklara ng United Nations para sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan naglabas noon ng pahayag ang KPML hinggil sa World Day of Social Justice.

Kaya dinaluhan ko ang panayam kay De Lima. Naisip kong sadyang itinapat ang panayam sa Pebrero 20, dahil nga World Day of Social Justice. Ikalawa pa lang ng hapon ay naroon na ako sa Gimenez Gallery. Ikatlo ng hapon ay nagsimula na ang palatuntunan sa pamamagitan ng Lupang Hinirang. Sunod ay Opening Remarks ni Gng. Susan S. Lara, Ikalawang Pangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sinundan ito ng Welcome Remarks ni Propesor Jimmuel C. Naval, Dean ng College of Arts and Letters ng UP Diliman, at isa sa aking guro sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15.

Ang nagsalita naman hinggil sa kasaysayan at layunin ng The Adrian Cristobal Lecture Series, na nagsimula pa noong 2010, ay si Ms. Celina S. Cristobal, kinatawan ng Cristobal Family Foundation, at dating board member ng UMPIL.

Sunod ay ipinakilala at tinawag ni Ms. Jazmin B. Llana ang panauhing tagapagsalita na si dating Senadora Leila De Lima. Ang pamagat ng lektura ni De Lima ay "Gender and Political Oppression", kung saan nagtala ako ng ilan sa kanyang mga ipinahayag sa aking munting kwaderno.

Sa open forum ay una akong nagtaas ng kamay at tinawag agad ako ng moderator na si Clarissa Militante. Sabi ko, "Kanina ay nabanggit po ni Mam Celina Cristobal na kaya Pebrero 20 itinaon ang lektura ay dahil ang petsang ito ang kaarawan ng namayapang awtor na si Adrian E. Cristobal. Akala ko po ay dahil itinaon ang lektura ninyo dahil ngayon ay UN-declared World Day of Social Justice". Sabi naman ni De Lima, "Isa rin sa aking advocacy ang social justice. Salamat sa paalala."

Bagamat walang isa sa nagsabi na ang araw na iyon ay World Day of Social Justice ay nabanggit natin na mayroong ganitong araw.

Nang una kong mabatid ang World Day of Social Justice ay kinulit ko na ang ilang mga kasama sa IDefend, isang human rights platform na maraming kasaping organisasyon. Dahil sa aking pangungulit noong 2019 ay naglunsad ang IDefend ng aktibidad hinggil sa usaping ito. Kaya isang malaking karangalan na napansin ang araw na ito.

Subalit hindi ito kasintindi ng pagkilala sa International Human Rights Day tuwing Disyembre 10. Bagamat magkaugnay ang Human Rights at Social Justice, na ang katibayan ay matatagpuan natin sa ating Konstitusyon ng 1987 kung saan ang pamagat ng Artikulo 13 ay "Social Justice and Human Rights."

Sana'y maging ganap at popular ang pagkilala ng mamamayan sa World Day of Social Justice, tulad ng kung paano kinikilala ng mga human rights organizations, civil society, people's organizations, government agencies, at iba pang grupo, ang International Human Rights Day. Hinggil sa paksang ito, mangyaring tingnan at basahin ang kasaysayan ng araw na ito sa kawing na https://www.un.org/en/observances/social-justice-day kung saan pinangunahan ang pagpapatibay nito ng samahang paggawa na International Labour Organization (ILO).

Isa nga sa ginawa kong disenyo ng plakard sa araw na iyon ay may litrato ng kandila sa gitna, at sa itaas ay nakasulat: "February 20 is World Day of Social Justice" at sa ibaba nito ay "Katarungan sa lahat ng biktima ng EJK!" Pinadala ko ito sa messenger ng isang ina ng EJK victim, at ang kanyang sabi, "Salamat sa pakikiramay."

Tinapos naman ni G. Michael M. Coroza, pangulo ng UMPIL, ang palatuntunan sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang pinamagatang "Mapagpalang Daigdig". Matapos iyon ay nagkodakan na, sa gitna ang panauhing tagapagsalita, kasama si National Artist Virgilio Almario.

Matapos ang panayam ay saglit din kaming nagkausap nina Dean Jimmwel Naval at Propesor Joey Baquiran. May pameryenda rin. at bago umalis ay bumili ako ng librong "The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2010-2017". Lampas na ng ikalima ng hapon nang ako'y umalis.

Ginawan ko ng tula ang karanasang ito.

LEILA DE LIMA AT ANG USAPING SOCIAL JUSTICE

halina't itaguyod ang World Day of Social Justice
bukod sa karapatan, tao'y di dapat just-tiis
pag-abuso sa karapatan ay dapat mapalis
hustisyang asam ng masa nawa'y kamting mabilis

Social Justice ay itaguyod saanmang arena
kaya sa A. Cristobal Lecture Series ay nagpunta
nag-aakalang mabanggit ni dating senadora
De Lima ang araw na itong napakahalaga

sa paksa niyang "Gender and Political Oppression"
ay isiniwalat ang danas sa pagkakakulong
anong nasa puso't diwa higit anim na taon
ng pagkapiit, anong mga dumating na tulong

nagpapasalamat ako't doon ay nakadalo
at ang araw na nabanggit ay naisiwalat ko
na sana'y tumimo talaga sa isip ng tao
na araw na ito'y dapat ding kilanling totoo

02.21.2024