Biyernes, Marso 20, 2026

Awit sa karapatan

AWIT SA KARAPATAN
‎UDHR - Universal Declaration of Human Rights
‎ayon sa UDHR, Artikulo Uno
‎pantay, may dignidad at karapatan tayo
‎sinuman, pulubi, donya, lahat ng tao
‎karapatang pantao'y dapat irespeto
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Sa ika-12 Black Friday Protest ng 2026

SA IKA-12 BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026
‎patuloy lang tayo tuwing Biyernes
‎sa paglulunsad ng Black Friday Protest
‎saan man maganap, itim ang bihis
‎sa pangangalampag, di magmimintis
‎wakasan na iyang mga digmaang
‎para sa pansariling kapakanan
‎ng mga nanggigiyerang kawatan
‎sugo ng kapitalismong gahaman
‎dinidigma ang tahimik na bansâ
‎upang langis nito'y agawing sadyâ
‎ng imperyalistang Kano't kuhilà
‎na talaga namang kasumpâ-sumpâ
‎patuloy pa rin ang pagpapanagot
‎sa mga mandarambong at kurakot
‎sa kaban ng bayan, ang mga buktot
‎ay ikulong, di dapat makalusot
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026

Paglalakad sa red carpet

PAGLALAKAD SA RED CARPET

‎pangkaraniwang araw man iyon
‎ay pambihirang pagkakataon
‎ang maglakad sa red carpet doon
‎sa isang talakayan o forum

‎tila ba ako'y personalidad
‎pagkat sa red carpet ay naglakad
‎bagamat di ko iyon hinangad
‎subalit sa bungad na'y tumambad

‎sa labas lang iyon ng bulwagan
‎pagpasok ay tiyak daraanan
‎kaya sa selpon ay bnidyuhan
‎na red carpet ang nilalakaran

‎forum ng karapatang pantao
‎ang doon nga'y dinadaluhan ko
‎minsan ay matuwa ang lolo mo
‎sa bungad man ay red carpet ito

‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026
* kinunan ang bidyo sa pagdalo sa isang maghapong talakayan at palihan hinggil sa karapatang pantao, Marso 19, 2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1CGCgu4Qd5/ 

Ingat: Babala o Bilin?

INGAT: BABALA O BILIN?
‎‎aba'y mali yaong tanong
‎na "Babala sa lilisan"
tatlumpu't walo pahalang
‎sa isang palaisipan
‎para bagang nananakot
‎o may himig pagbabantâ
‎gayon ba ang kahulugan
‎pag sinabihan mong "Ingat"?
‎kung ako ang tagagawâ
‎ng krosword na tulad niyon
‎mas mabuti pang isulat
‎doon: "Bilin sa lilisan"
‎pag sinabi mong "Babala"
‎may mangyayaring masamâ
‎di gaya ng "Bilin", siya'y
‎pinapayuhan mong sadyâ
‎may saya't kurot sa pusò
‎pag sinabihan kang "Ingat"
‎nagsabi'y mabuting tao
‎asam ay kaligtasan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026
‎* krosword mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2026, p.7