Lunes, Setyembre 30, 2024

Magkakulay ay pagdugtungin

MAGKAKULAY AY PAGDUGTUNGIN

makukulay na bilog ay pakatitigan
at magkaparehong kulay ay pagdugtungin
animo'y napakapayak ng panuntunan
laro ng lohika kung pakaiisipin

ito ngayon ang kinagigiliwang laro
matapos magtrabaho nitong abang lingkod
pinakapahinga na kapag hapong hapo
sa maghapong tila kalabaw kung kumayod

pag tumunganga sa kisame'y magninilay
dudurugin ang utak sa maraming paksa
paano nga ba bawat tula'y maging tulay
upang dinggin ng pamahalaan ang dukha

kayhusay mo kapag kulay ay napagdugtong
na tandang mapanuri ka, listo't marunong

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

* mula sa app game na Dot Line

Pagsusunog ng kilay

PAGSUSUNOG NG KILAY

"The first duty of a revolutionary is to be educated." ~ Che Guevara

nagsusunog pa rin nitong kilay
upang pagsusuri ko'y humusay
maraming inaaral na tunay
samutsaring paksang naninilay

di lang sa eskwela makukuha
ang mga natutunan ng masa
ang dunong at pag-aanalisa
ay sa paligid din makikita

tayo'y magbasa ng dyaryo't aklat
kayraming isyung mahahalungkat
na makatutulong din ng sukat
upang mahasa't makapagmulat

ika nga, una nating tungkulin
ay matuto ng laksang aralin
lalo't sistema'y nais baguhin
nang lipunang makatao'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Kaylakas ng ulan sa madaling araw

KAYLAKAS NG ULAN SA MADALING ARAW

gising pa rin ako kahit madaling araw
dahil ulan sa yero'y nakabubulahaw
nagtalukbong ng kumot habang giniginaw
nais umidlip ngunit tulog ko'y kaybabaw

paligid ay nilagyan ko ng mga balde
dahil tumutulo na ang yerong kisame
mahirap humimbing, baka magbaha dine
sa loob ng bahay, ay, kaytinding bagahe

minsan, titila at agad muling papatak
ang ulan, talagang mabibigat ang bagsak
animo buong tahanan na'y pinipisak
tila bubong at puso ko na'y winawasak

di na simpleng ulan, kundi unos na, unos
buti kung sakahan ang didiligang lubos
paano pag binaha'y lungsod ng hikahos?
ang magagawang tulong pa rin ba ay kapos?

madaling araw, tuloy ang pagsusulat ko
kayraming paksa: baha, unos, anod, bagyo
mitigasyon, adaptasyon, klimang nagbago
pati lagay ng paslit na nagdidiliryo

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024