Lunes, Oktubre 5, 2020

Ang nais kong buhay

nais kong buhay ay ang may panlipunang hustisya
isang buhay na punung-puno ng pakikibaka
di sa payapang tahanang parang retirado ka
gayong kayraming isyung nagbibigay ng pag-asa

ang unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
ay sinasabuhay ko sa maghapon at magdamag:
"Ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag!"

nasa pakikibaka yaong hanap kong esensya
ng buhay na itong batbat ng kawalang hustisya
nasa paglilingkod sa uring manggagawa't masa
at nasa pagbabago nitong bulok na sistema

para sa akin, walang katuturan ang tahimik
na buhay, na animo'y nakabiting patiwarik
nais ko'y bakahin ang mapagsamantalang switik
at ang mata ng mga mapang-api'y magsitirik

nais kong itayo'y isang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito ang tangan kong paninindigan at prinsipyo
kung di ito ang tatanganan ko, di ako ito

- gregoriovbituinjr.

Labingpitong ekobrik sa mahigit isang buwan

labingpitong ekobrik sa mahigit isang buwan
boteng plastik ng Cobra energy drink ang nilagyan
upang pantay-pantay kung gagawin nating upuan
mga ito'y pagdidikitin ng silicon sealant

dapat patigasing parang brick upang di magiba
at magkaroon ng silbi ang iyong mga likha
sinisingit man ito sa iba pang ginagawa
halimbawa'y pagsasalin ko't pagkatha ng tula

bigat nito'y sangkatlo ng orihinal na timbang
pag pinisil, matigas, purong plastik man ang laman
upang pag ginawa mo itong mesa o upuan
ay di ito agad tutumba, di ka masasaktan

tambak-tambak ang plastik, problema ito ng mundo
pag namingwit nga, mayorya'y plastik ang nabingwit mo
lalo ngayong may COVID-19, plastik na'y nauso
munting tulong lamang ang pageekobrik na ito

- gregoriovbituinjr.

Malilikhang ekobrik ay gagawing istruktura

malilikhang ekobrik ay gagawing istruktura
maaari kang gumawa ng ekobrik na silya
na magagamit mo halimbawa sa paglalaba
o kaya'y sa pagsusulat, ekobrik na lamesa

kailangan lang, laging malinis ang mga plastik
minsan, nilalabhan ko pa ang napulot kong plastik
banlawan, patuyuin bago gupitin, isiksik
sa boteng plastik din at patitigasing parang brick

dapat malinis ang plastik upang walang bakterya
sa loob, pagkat kung meron, baka makadisgrasya
sisirain lang nito ang nagawang istruktura
ngunit kung sadyang marumi, gamitin na sa iba

kung marumi ang plastik, ibang istruktura'y gawin
ekobrik na di pangmesa't silya kundi panghardin
masira man ng bakterya, mapapalitan mo rin
isang paalala sa maganda nating layunin

malinis na plastik upang bakterya'y di tumubo
habang nawiwiling mageobrik nang may pagsuyo
hangga't maraming plastik, misyon ay di maglalaho
gagawin hanggang may ibang solusyong makatagpo

- gregoriovbituinjr.

Mag-iikot at mamumulot muli ng basura

mag-iikot at mamumulot muli ng basura
upang gawing ekobrik yaong plastik na makuha
ito ang ginagawa habang trabaho'y wala pa
di pa makaluwas para sa trabahong nakita

hangga't naririto pa sa sementeryong tahimik
mageekobrik muna't pupulot ng mga plastik
tulong na rin sa kalikasang panay ang paghibik
at mageekobrik akong walang patumpik-tumpik

kahit sa madaling araw, ako'y gupit ng gupit
gawa sa nalalabi kong buhay paulit-ulit
sayang man ang buhay sa sementeryong anong lupit
kampanya laban sa plastik ay di ipagkakait

kahit sa ekobrik, nais kong maging produktibo
gawa ng gawa, wala naman akong naperwisyo
mangangalkal muli ng basura doon at dito
ganito na ba ang buhay na kinakaharap ko

ito na ba ang repleksyon ng pagsisilbi sa bayan
magekobrik hangga't nasa malayong lalawigan
kwarantina'y talagang perwisyo sa kalusugan
na malaki ang epekto sa puso, diwa't tiyan

- gregoriovbituinjr.
mga plastik na naipon at ginupit ko, nakalatag muna habang pinatutuyo

mga ekobrik na nagawa, sa isang organisasyong napuntahan ko

kampanya laban sa single-use plastic, kuha ang litrato mula sa google