Lunes, Pebrero 19, 2024

P60 na ang kilo ng bigas

P60 NA ANG KILO NG BIGAS

kilo ng bigas ay sisenta na
ay, ganyan na kamahal ang benta
bente pesos ay one third kilo na
ang pangako'y napako talaga

anong nangyari, bakit ganito
sa ilalim ng kapitalismo
tingin ng magsasaka ba'y ano?
anong pananaw ng masa rito?

nagpunta nga ako sa bigasan
sa kalapit naming pamilihan
doon ay nagpalitrato naman
nang presyo nito'y may katibayan

kaymahal na ng bigas sa atin
pambili rito'y saan kukunin
salapi sa bulsa'y titipirin
kaya tipid na rin sa pagkain

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Ako'y aktibista, may dugong bayani

AKO'Y AKTIBISTA, MAY DUGONG BAYANI

ako'y aktibista, / may dugong bayani
lahing Bonifacio, / Rizal, at Mabini
diwang Che at Lenin / idolong matindi
na sadyang sa uri't / bayan nagsisilbi

di lang lumalaban / sa tusong dayuhan
kundi mapang-api, / burgesyang gahaman,
sa kapitalistang / kunwa'y makabayan,
at sa naghaharing / buwayang iilan

nais ko'y lipunang / sadyang makatao
nais na hustisya'y / makamtang totoo
nais na pawiin / pag-aring pribado
ibahaging pantay / ang yaman ng mundo

ako'y aktibista, / hindi makabayan
na internasyunal / ang paninindigan
pag may api kahit / hindi kababayan
ay kauri silang / dapat ipaglaban

naririto pa rin, / wala mang salapi
sa rali't pagkilos / ay mananatili
sadyang naglilingkod / sa masa't kauri
aming ibabagsak, / uring naghahari

ako'y aktibista, / puso'y pandaigdig
uring manggagawa / ang kakapitbisig
sa internasyunal, / api'y kapanalig
sa mapambusabos / ay di palulupig

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Tahong at tutong

TAHONG AT TUTONG

tarang kumain, ulam ko'y tahong
kanin man ay bahaw, pulos tutong
pag-uwi'y ito ang sumalubong
katalo na rin laban sa gutom

paunti-unti nating tanggalin
ang talukab at laman ay kunin
isama sa tutong at sakulin
ang sabaw pa'y kaysarap higupin

sa saliw ng "tahong and winding road"
buti'y may tahong kaysa tumanghod
kung sa balot lalakas ang tuhod
sa tahong titibay ang gulugod

tarang kumain, aking katoto
at tahong ay namnaming totoo
kaysarap ng ating salusalo
magsakol man o magkamay tayo

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Madalas madulas

MADALAS MADULAS

madalas pa ring nagninilay
madulas pa ring nagsisikhay
bagamat madalas malumbay
sa masa'y madulas ang ugnay

madalas din akong madulas
sa banyo matapos maghugas
o maligo hanggang lumabas
mag-ingat na'y aking nawatas

madalas akong kumakatha
madulas ang pananalita
at madalas ding tumutula
kahit di madulas ang paksa

madalas sa rali't pagkilos
buti't madulas, parang palos
nilabana'y pambubusabos
kasangga ang mga hikahos

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024