12-ANYOS, PATAY SA PAPUTOK
akala ba ng batang ang pinulot na paputok
ang maging sanhi ng maaga niyang pagkamatay
isang produktong pampasaya raw ng Bagong Taon
subalit masaya bang masayang ang kanyang buhay?
dahil sa maling paniniwala at delikado
dahil sa maling kulturang pinamayani rito
sinong mananagot? ang pabrika ba ng paputok?
sinong sasagot sa gastusin, hustisya't kabaong?
kapitalista ng paputok ba ang sumasagot
sa mga gastusin sa ospital at mga gamot?
hindi! tubò, kita lang ang kanilang pakialam
produkto man nila'y makasakit o pumatay man
dapat nang baguhin ang ganyang maling paniwalà
nagbago lang ang petsa, mga produkto'y nilikhâ
upang pagtubuan at payamanin ang gahaman
at lumawak ang imperyo nila't kapangyarihan
katarungan sa batang walang malay at namatay
oo, negosyante ng paputok ang pumapatay
kunwari'y masayang salubungin ang Bagong Taon
ng paputok, nilang buwitreng masa'y nilalamon
- gregoriovbituinjr.
12.30.2025
* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Disyembre 30, 2025, p.2





