Martes, Disyembre 30, 2025

Sa araw ni Rizal

SA ARAW NI RIZAL

sa Araw ng Kamatayan ni Doktor Rizal
ako'y nasa Luneta, naroong matagal
nagnilay laban sa mga korap at hangal
na ginawâ sa bayan ay malaking sampal

sapagkat buwis ng bayan ay kinurakot
ng mga trapo't lingkod bayang manghuhuthot
binulsa ng mga kawatan at balakyot
sinubi ng mga mandarambong at buktot

anong sasabihin ng pambansang bayani
sa kalagayan ng bansa't mga nangyari
na pulitiko'y di totoong nagsisilbi
sa bayan kundi sa bulsa nila't sarili

dapat lang nating panatilihin ang galit
ng masa sa mga pulitikong kaylupit
dapat pigilan ang kanilang pangungupit
sa kabang bayan, lalo sa pambansang badyet

- gregoriovbituinjr.
12.30.2025

Walang komento: