Huwebes, Agosto 12, 2010

Ginahasang Larawan

GINAHASANG LARAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nakatambad sa pahayagan
ang isang hubad na larawan
ng isang tila walang muwang
na dalaga sa panagimpan
at sadyang pinaglalawayan
ng alipin ng kalibugan

silang mga pinagtubuan
ng kapitalistang gahaman
mga dalagang walang muwang
na biktima ng kahirapan
at kinalakal ang katawan
upang may panggastos man lamang

ginahasa ng taumbayan
ang nakahubad na larawan
ng dilag na tila may muwang
na alam na pinagpipyestahan
ang kanilang mga larawan
ng hubad nilang kabuuan

bakit mga kababaihan
ay di magrali sa lansangan
upang iprotestang tuluyan
ang ginagawang kabastusan
ng pag-aaring pahayagan
ng kapitalistang gahaman

pati na yata taumbayan
ay nararapat makialam
upang ganitong kalaswaan
ay tuluyan nang mapigilan
at di mababoy ang isipan
ng ating mga kabataan