BASTED SA TSIKS
"Bakin ga ika'y nakamurot?" anang aking mamay
habang sa tubuhan kasama akong nangungumpay
suliraning are'y bakit di ko matagong tunay
lihim ng puso'y nadaramang nagkagutay-gutay
nakilala ko sa tuklong ang kaygandang dalaga
tila ba kabuuan niya'y kahali-halina
ngiti pa lang, aba'y parang ako'y nasa langit na
ako'y tila inuugoy sa duyan ng pagsinta
ang inaasam kong diwata'y kaysarap kausap
lambing niya animo'y tangay ka sa alapaap
ngunit aking mutya'y ano’t may ibang hinahanap
di ako ang kabagay, iba ang kanyang kaganap
sa salitang lungsod nga'y "basted", iwing puso'y sawi
at ang mamay, habang pinatutuka ang tinali
payo'y humanap ng iba't sakit ay mapapawi
habang ang tandang sa dumalaga'y panay ang giri
- gregbituinjr.
nakamurot = nakasimangot
nangungumpay = nangunguha ng pagkain ng kalabaw
mamay = lolo
tuklong = tagalog ng kastilang "kapilya"