Sabado, Setyembre 7, 2024

Nais ko'y kalayaan

NAIS KO'Y KALAYAAN

nais ko'y kalayaan
ng bayan, uri't masa
laban sa kaapihan
at pagsasamantala
ng kuhila, gahaman
at tiwaling burgesya
ang aming panawagan:
baguhin ang sistema

aming pinapangarap
ang paglaya ng tao
laban sa pagpapanggap
ng dinastiya't trapo
pinairal nang ganap
negosyo, di serbisyo
silang di nililingap
ang dalita't obrero

nais ko'y kalayaan
ng uring manggagawa
palayain ang bayan
lalo ang mga dukha

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Pagbaka para sa alternatiba

PAGBAKA PARA SA ALTERNATIBA

tadtad na ng pagsasamantala
at laksang kaapihan ang masa
dahil din bulok na ang sistema
marapat lang may alternatiba

laksa-laksa ang nahihirapan
habang may bilyonaryong iilan
di lang ang kalaban ay dayuhan
kundi mga tusong kababayan

ugat ay pribadong pag-aari
kaya mapang-api'y nagwawagi
dapat ibagsak ang hari't pari
nang paghahari'y di manatili

dapat mayroong pagkakapantay
ng kalagayan ng ating buhay
walang mayaman o dukhang tunay
kundi nililingap tayong sabay

kaya sistema'y dapat baguhin
pagpapakatao'y pagyamanin
pakikipagkapwa'y pairalin
alternatibang sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024