Miyerkules, Marso 11, 2015

Sa ikaapat na anibersaryo ng trahedya sa Japan

SA IKAAPAT NA ANIBERSARYO NG TRAHEDYA SA JAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tsunami, tulad ni Yolanda'y kayraming biktima
lumindol din, plantang nukleyar ay apektado na
di mawaring tadhana, nakagigitlang trahedya
ah, kayrami ng bayang pinawi nito sa mapa...

mundo nila'y nagbago, tila nawalan ng silbi
mga nakaligtas ay tulala, tila napipi
maibabalik pa kaya ang ningning ng Iwate,
Sendai, at Fukushima, naiisip ko sa gabi...

at yaong naganap ay may aral na naipundar
dapat nang pawiin ang lahat ng plantang nukleyar
panahon nang matigil ang dito'y pagpapaandar
nang di madagdagan ang nasakripisyo sa altar

sumisikdo yaring dibdib sa parang ng kawalan...
makababangon pa kaya ang nasalantang bayan?
mga gintong uhay kung tutubo kaya'y kailan?
doon kaya'y may  mga  ibon pang nagliliparan?