Martes, Mayo 16, 2023

Pagtitig sa kalangitan

PAGTITIG SA KALANGITAN

nais ko pa ring pagmasdan ang kalangitan
pag gabi na'y ang mga bituin at buwan
ulap sa kanyang pag-usad pag araw naman
o kaya'y ang mga ibong nagliliparan

ah, nais kong abutin ang mga bituin
upang itirintas sa iniibig man din
o sa ulap isakay siya't liliparin
namin ang buong daigdig at lilibutin

kadalasang inaabangan ko ang gabi
nasaan kaya roon ang Alpha Centauri?
astronomiya'y aralin, nahan ang Milky
Way o Balatas, pati ang Tatlong Babae?

alin doon ang Super Nova o ang black hole?
mga bituin ba'y nagkakabuhol-buhol?
sa teleskopyo'y magkano ang magugugol?
upang sa langit ang panahon ko'y iukol

nasaan ang Pleiades na konstelasyon?
ng pitong bituin, saan nakaposisyon
yaong pitong babaeng anak ni Apolon?
sa gabi'y hanap ko rin pati ang Orion!

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Kailan matitigil ang mga balitang murder?

KAILAN MATITIGIL ANG MGA BALITANG MURDER?

ngayong araw, sa isang dyaryo pa lang, pulos murder
ulat noong Mother's Day, misis, pinatay ni mister
mister pa, patay sa pananaksak ng stepfather
eto pa: bunso, patay sa saksak ng kanyang brother

mga ulat na karumal-dumal, sa budhi'y sumbat
pawang magkakadugo ang nagpapatayang sukat
pulos magkakamag-anak ngunit ano bang ugat
parang si Cain at Abel ang huling naiulat

basahin ang mga balita't anong puno't dulo
isa'y dahil sa matinding pagseselos umano
mister at stepfather, sa inuman nagkagulo
si kuya't bunso sa problemang pamilya'y nagtalo

dinadaan ba sa init ng ulo ang usapan?
magkakadugo ba silang walang kahinahunan?
ayaw magpatalo sa isa't isa? walang galang?
o ngayon lang bumigay sa matagal nang alitan?

ganyan ang balita ngayon na pawang madudugo
kailan ba pangyayaring ganyan ay maglalaho?
selos ba'y damdaming di maiwasan ng kasuyo?
dapat nag-usap ng mapayapa ang kuya't bunso

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* balita mula sa Pilipino Star Ngayon, Mayo 16, 2023, pahina 8-9

Arnisador

ARNISADOR

ngayon ko lang nabasa ang salitang arnisador
na parang estibador o sa piyer ay kargador
pag embahada, embahador, pag toma, tomador
subalit di magagamit ang toka sa tokador

eskrimador sa eskrima, arnisador sa arnis
habang arnisadora ang babaeng nag-aarnis
isa o dalawang yantok, hahawakang mabilis
taal itong Filipino martial arts na mabangis

ibinalita ni R. Cadayona ng Pang-Masa
dalawang arnisador ang nakaginto talaga
sa paligsahan sa Southeast Asian Games sa Cambodia
na sina Dexler Bolambao at Ella Alcoseba

dalawang arnisador na nagbigay-karangalan
sa isports nilang nilahukan at pinaghusayan
taasnoong pagpupugay sa mga kababayan
sa Southeast Asian Games ay ating mga kinatawan

salitang arnisador ay sadyang sinaliksik ko
wala pa sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ngunit ang paggamit na nito sa ulat sa dyaryo
ay umpisa na upang gamitin na natin ito

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* ang ulat ay mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 16, 2023, pahina 8

Pagpapak sa ulo ng isda

PAGPAPAK SA ULO NG ISDA

binidyo ko iyon ngunit bakit nawala
na baka na-delete nang di ko sinasadya
pinapapak ng kuting ang ulo ng isda
na pag pinagmamasdan ko'y nakatutuwa

para bang sa isda siya'y gigil na gigil
baka talagang gutom na di mo mapigil
na pag naubos lang niya saka titigil
larawang iyon sa diwa'y umuukilkil

anong sarap din namang may alagang kuting
basta huwag lang sa bahay patitirahin
o kung sa bahay man, lagi mong lilinisin
ang tirahan nila nang di mangamoy man din

ibang kapatid niya'y aking napiktyuran
ang mga iyon ay may ibang kwento naman
ang kuting munang ito ang ating tulaan
sige lang, kuting, kumain ka muna riyan

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Sa mutya

SA MUTYA

di man ako kasintamis ng tsokolate
na paborito ng mutya kong binibini
siya naman ay sadya kong pinuputakti
ng tulang kaiga-igaya ang mensahe

sa aking guniguni'y sadyang nag-aalab
ang apoy ng pag-ibig, kapara'y dagitab
nagniningas bagamat di ako pasiklab
malamig man ang panahon ay nagliliyab

lilipas pa rin at lilipas ang panahon
ang mahalaga'y paano umibig ngayon
di sapat ang rosas, dapat may bigas doon
nang di naman magutom sa bawat pagbangon

patuloy ang pagsasama kahit tumanda
at isangdaang taon ay abuting sadya
isasayaw ko ang paang pawang kaliwa
nang bigyang kasiyahan ang giliw na mutya

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Nagsosolong langgam

NAGSOSOLONG LANGGAM

ang musika'y kaysarap pakinggan
di man magkandatuto ang langgam
sa paghanap ng masisilungan
walang kasama, tila iniwan

bihirang langgam ang nagsosolo
pagkat kilos nila'y kolektibo
anong nangyari sa isang ito?
sa sinta ba'y nabigong totoo?

"hanap ko ang sintang nawawala
kaya ngayon ako'y lumuluha";
"ang hanap ko'y kapwa manggagawa
upang magpatuloy sa paggawa"

nagkudeta raw laban sa reyna
na talagang nilabanan sila
at nawalay sa mga kasama
iba'y tumakas, iba'y patay na

mga bagong akdang masusulat
paksa'y langgam na puso'y may sugat
langgam na di batid saan buhat
kaya nawalay sa kanyang pangkat

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* kuha ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay, Pebrero 12, 2023
* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kyIdQKIpkY/