Lunes, Agosto 15, 2011

Ang Obrero at ang Organisador

ANG OBRERO AT ANG ORGANISADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan ay napaisip ang isang obrero:
"ako'y manggagawa, trabaho nang trabaho
araw-araw na lang, ako'y kayod kabayo
ngunit bakit naghihirap pa rin sa mundo
habang ngingisi-ngisi lang ang aking amo"

himutok pa niya, "ito ba'y kapalaran?
nagsisipag ako sa araw-araw na lang
ngunit nabubuhay pa rin sa karukhaan
paano ang pamilya ko't kinabukasan
kung among kapitalista lang ang yayaman"

nagpayo ang organisador, "magsuri ka
kalagayan mo'y dapat mong maanalisa
ano ang kasaysayan mo't nagkaganyan ka
suriin ang kalagayan mo sa pabrika
kung may tanong ka, paliliwanagan kita"

"pagsusuri'y dapat nating maunawaan
kung bakit ito'y ating kinakailangan
dahil ang bawat bagay dapat may batayan
bawat pangyayari sa mundo'y may dahilan
suriin ang paligid, sistema't lipunan"

"simulan mo nang magtanong ng bakit, bakit
suriin kung bakit ka naghihinanakit
bakit kalagayan sa pabrika'y kaylupit?
bakit ba karapatan mo'y pinagkakait?
bakit ikaw na lumilikha'y nanliliit?"

"unawain mo bakit sistema'y baluktot
pagpaplano sa pabrika'y di ka kasangkot
sa kabila ng sipag mo, sahod mo'y bansot
bakit sa tubo ang amo mo'y mapag-imbot
sa pagsusuri'y makikita mo ang sagot"

organisador at obrero'y nagkasundo
nagtalakayan kung paano maigupo
ang sistemang sa dugo nila'y nagpakulo
pinag-usapan saan nanggaling ang tubo
bakit pagtaas ng sweldo'y tila malabo

sinuri pati ang kanilang kalagayan
kapitalista't obrero'y anong ugnayan
bakit manggagawa'y napagsamantalahan
hanggang nagkasundong baguhin ang lipunan
uring obrero'y pagkaisahing tuluyan