Biyernes, Agosto 15, 2025

Meryendang KamSib

MERYENDANG KAMSIB

kaysarap ng meryenda
lalo't pagod talaga
sa maghapong trabaho
pawisan na ang noo

ang meryenda ko'y simple
at di ka magsisisi
sibuyas at kamatis
na panlaban sa sakit

pag kaytaas ng sugar
di ka na makaandar
naglo-low carb na ngayon
sa buhay ko na'y misyon

dahil kayraming laban
pang dapat paghandaan
kayrami pang sulatin
ang dapat kong tapusin

bawal nang magkasakit
ito'y payo at giit
magbawas ng asukal
upang tayo'y magtagal

- gregoriovbituinjr.
08.15.2025

* KamSib - kamatis at sibuyas

Krosword na malinis

KROSWORD NA MALINIS

krosword na malinis ay kaysarap sagutan
sa pagtingin pa lang, iyong mararamdaman
sa maruming krosword parang napilitan lang
upang masabing nasagutan mo rin naman

wala mang paligsahan sa pagsagot nito
subalit ito'y naging libangang totoo
lalo't kaya ka bumibili ng diyaryo
bukod sa ulat, may palaisipan dito

kaya nagko-krosword ay upang maka-relaks
nagsasagot upang ipahinga ang utak
mula sa gawaing sa diwa'y nakasaksak
na di mo batid kung lalago ang pinitak

sa layout ba ng krosword o sa pag-imprenta
kaya ang krosword ay dumudumi talaga
malinis ay kaysarap sagutan tuwina
kaysa maruming krosword na tila basura

- gregoriovbituinjr.
08.15.2025

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Agosto 15, 2025, p.7

Sampung araw na notice bago idemolis

SAMPUNG ARAW NA NOTICE BAGO IDEMOLIS

O, maralitang kaytagal nang nagtitiis
sa iskwater na lagi nang naghihinagpis
payag ka bang sampung araw lamang ang notice
imbes tatlumpung araw bago idemolis

iyan po sa bagong batas ang nakasaad
diyan sa National Housing Authority Act
ngayon taon lamang, Mayo nang nilagdaan
sadyang nakababahala ang nilalaman

di na dadaan sa korte ang demolisyon
at may police power na ang N.H.A. ngayon
karapatang magkabahay, wala na iyon
sa bagong batas, anong ating itutugon

pabahay kasi'y negosyo, di na serbisyo
gayong serbisyo dapat iyan ng gobyerno
pag di ka nakabayad, tanggal kang totoo
kaya maralita, magkaisa na tayo

- gregoriovbituinjr.
08.15.2025

* litrato mula sa polyeto noong SONA
* ayon sa RA 12216, Seksyon 6, numero IV, titik d, 2nd paragraph, "That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the necessary of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot, apartment, or dwelling unit from government resettlement projects, as well as properties owned or administered by it. In all these cases, proper notice of ejectment, either by personal service or by posting the same on the lot or door of the apartment, as the case may be, shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at least ten (10) days before the scheduled ejectment from the premises."

Salamin sa mata

SALAMIN SA MATA

dapat magsalamin
habang nagtitipa
doon sa kompyuter
ng liham, sanaysay,
ulat, kwento, tula
ngunit pag nabasag
o kaya'y natanggal
yaong isang mata
ng salamin, agad
na reremedyuhan
muling ididikit
upang may magamit
o bibiling muli
kahit murang presyo
sapagkat dapat may
proteksyon sa mata
habang nagtitipa
doon sa kompyuter
ng liham, sanaysay,
ulat, kwento, tula

- gregoriovbituinjr.
08.15.2025