HUWAG SANANG MAPILANTOD ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
may bukas pa kaya yaong mga paslit
na nangarap umahon sa pagkagipit
pag lumaki'y tutulong sa maliliit
ayaw nilang sa patalim pa'y kakapit
isa'y nais maging isang inhinyero
isa nama'y gustong maging mekaniko
nais nilang sumakay ng eroplano
at matanaw ang ibabaw nitong mundo
makikita nila yaong alapaap
pangarap na malalaki sa hinagap
makakamit kaya nila itong ganap
malaki man, libre naman ang mangarap
maglalaro muna sila hangga't bata
lalaruin yaong luksong baka't sipa
maghoholen muna sila sa may lupa
habang sila'y nangangarap ng ginhawa
karapatan sana nila'y kilalanin
mahirap man, huwag silang haharangin
na makamit ang pangarap at mithiin
pinangarap ma'y lipunang babaguhin
huwag sanang mapilantod ang pangarap
nitong mga batang laki na sa hirap
maaabot din nila ang alapaap
sa tiyaga at kanilang pagsisikap
Larawan kuha ni Nicasio Mendaro Jr., ng grupong Litratista sa Daan |