Martes, Enero 19, 2010

Palsipikadong Lingkod

PALSIPIKADONG LINGKOD
(Pitik lang sa mga trapong kandidato sa Eleksyon 2010)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

talagang huwad iyang mga pulitiko
wala tayong mapapala sa mga ito
lagi nang pangako doon, pangako dito
ang sinasabi nitong mga lokong trapo

pag kampanyahan sila na'y makamahirap
hahawiin daw nila ang lambong ng ulap
iibsan daw nila ang ating paghihirap
hay, panahon na nga ito ng mapagpanggap

mag-ingat tayo sa mga lingkod na ito
sinasabi nila'y pawang hindi totoo
gusto lang nila sa atin ay ating boto
at hindi tunay na maglilingkod sa tao

pagkat sila'y palsipikadong lingkod-bayan
ang tingin sa masa'y paano pagtubuan
ang lakas-paggawa nito't pangangatawan
palsipikadong lingkod ay sadyang gahaman

kaya sa kangkungan atin silang ibato
dahil wala ngang silbi silang mga trapo
mga tulad nila'y huwag nang ipanalo
pag nanalo sila'y kawawa muli tayo

Serbisyo, Hindi Perwisyo

SERBISYO, HINDI PERWISYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nais ng masa'y serbisyo publiko
at tunay na paglilingkod sa tao
nais nila'y tapat at hindi trapo
na naglilingkod di sa negosyo

ayaw nila ng perwisyo publiko
na pangunahin ay tubo, di tao
ayaw rin nila ng trapong perwisyo
na walang ginawa kundi manggago

serbisyo ang kailangan ng bayan
tunay na lingkod ng sambayanan
ayaw nila ng kasinungalingan
ng mga trapong talagang gahaman

mga trapo'y lagi nang nakatanghod
sa boto ng masa'y naninikluhod
ang dapat magserbisyo kayong lingkod
nang itong bayan sa inyo'y malugod