Biyernes, Mayo 12, 2023

KASUMARAN pala'y anibersaryo

KASUMARAN PALA'Y ANIBERSARYO

may katutubong salita pala tayo
sa wikang Espanyol na anibersaryo
ito ang KASUMARAN mula Sebwano
salitang taal na wikang Filipino

tara, gamitin natin ang KASUMARAN
sa mga petsang ating ipagdiriwang
sa Hulyo'y Kasumaran ng Katipunan
di ba, ayos, di naman pangit pakinggan

itaguyod ang katutubong salita
ipalaganap upang gamiting sadya
ang di raw magmahal sa sariling wika
ay higit sa hayop at malansang isda

ang mahalaga sa bawat nahagilap
na salita'y unawa't ipalaganap
gawin ito nang may buong pagsisikap
nang sa kalaunan ay gamiting ganap

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p.591

Buhay pag-ibig

BUHAY PAG-IBIG

tila ba Florante at Laura ang aming pag-ibig?
o Romeo at Julieta ba pag kami'y nagniig?
wala riyan, nagkaunawaan lang at nakinig
ang aming puso habang kumakain ng pinipig

simpleng pamumuhay at makuntento na sa buhay
bagamat may pangarap kaya kami nagsisikhay
nangangarap akong magawa ang nobelang tunay
asam naming magkalimang anak ay hinihintay

sa bawat ginagawa'y nagpapatuloy pa kami
ako sa baya't uri'y patuloy na nagsisilbi
siya'y tangi kong diwata't sa puso'y celebrity
na patuloy ang komunikasyon araw at gabi

akala'y magsyota kami ngunit di naman pala
subalit lagi kaming magkasamang mag-asawa
naniniwalang habang may buhay ay may pag-asa
na walang iwanan sa kabila ng saya't dusa

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

anong meron sa ginisang sardinas
upang dapat nila itong mamalas
liban sa kamatis, bawang, sibuyas
may kaiba bang lasang makakatas

ay, karaniwang ulam lamang ito
walang espesyal sa pagkaluto ko
marahil, nais kitang makasalo
habang nagkukwentuhan naman tayo

ganito'y bihira sa karinderya
pagkat ito'y lutong bahay talaga
sa binagyo man madalas makita
ay hindi naman tayo nasalanta

ah, bakit binidyo pa ng abang makata
kung hindi naman espesyal ang gawa
ulam ba'y may patak ng dusa't luha
at pagkain lamang ng mga dukha

ay, wala akong ganyang sinasabi
nais ko lang makasalo ka rine
eto ang pinggan, tikman mo na ire
tiyak na mabubusog ka rin dine

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ktGFNHVanm/

Huwag abutin ng dose oras

HUWAG ABUTIN NG DOSE ORAS

naritong dilaw na bigas mais
ay hinalo ko sa puting bigas
niluto kagabing alas-sais
nang mainin ay medyo matigas

di gaanong masarap ang lasa
baka ako'y nababaguhan lang
purong bigas mais din ay iba
subalit dapat nating subukan

ito raw kasi ay pampalusog
at panlaban sa anumang sakit
masarap pa rin naman ang tulog
bagamat nagigising malimit

alas-siyete nang mag-almusal
parang di na maganda ang kanin
tila mamasa-masa na naman
ngunit sayang, akin ding kinain

napagtanto ko sa mais bigas
upang di mapanisang totoo
di paabutin ng dose oras
ang bigas mais na niluto ko

o kaya'y kainin na kaagad
huwag maraming saing sa gabi
dahil magdamag na mabababad
ang kaning baka mapanis dine

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

Nagkakalantugang yantok

NAGKAKALANTUGANG YANTOK

kaysarap masdan ng yantok na nagkakalantugan
na talagang dinisenyo sa kanilang bakuran
sa tindi ng ihip ng hangin ay nagsasayawan
tila baga sila'y nagta-chacha sa kakahuyan

o kaya naman ay may nag-eensayo ng arnis
dahil sa nagkalantugang yantok na maninipis
na kung pagmasdan mo'y talagang pinagbigkis-bigkis
na disenyo'y pantay, magkahilera, walang mintis

tunog din ay marakas sa nangangaroling noon
marahil para rin maitaboy ang mga ibon
dahil sa maraming tanim na halamang naroon
tulad ng bambanti o scarecrow na tawag doon

O, iyong damhin ang kaygandang indayog at himig
ng mga yantok na kalantog ay dinig na dinig
sabay sa ihip ng hangin at huni ng kuligkig
sa mga nerbyoso marahil ay nakatutulig

kaya nagkalantugang yantok ay aking binidyo
nang madama't mapakinggan mo rin ang mga ito
ramdam mo ang kapayapaan sa mundong magulo
at nanaising magpahinga sa katabing kubo

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* kinunan ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay nang minsang magawi roon, Pebrero 12, 2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ktiGxuVsB6/