Huwebes, Pebrero 27, 2025

Bagong higaan ni Alaga

BAGONG HIGAAN NI ALAGA

ibinili ni misis ng higaan
si Alaga upang maging maalwan
ang kanyang pagtulog at pahingahan
at di sa sahig, o kung saan-saan

may kaskasan na rin ng kuko niya
pagkat may kalmot na ang mga sopa
may kama na siya, may kaskasan pa
kaya ibinigay iyon sa kanya

isinilang siya sa aming bahay
dalawang Abril na'y nagdaang tunay
magaling manilâ, tulad ng nanay
maabilidad, talagang mahusay

isang ngiyaw lang, karipas ang daga
pati mga bubuwit, nangawala
isang hunter pa naman si Alaga
talagang hanap lagi'y mga daga

salamat, Alaga, at naririto
sa bahay, naglalambing kang totoo
kaya bigyan ka lang ng kama'y wasto
at may pagkain pang laan sa iyo

- gregoriovbituinjr.
02.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/x-yY1j25PT/ 

Simpatya sa asong si TikTok

SIMPATYA SA ASONG SI TIKTOK

I

di lang ako political activist
di rin lang ako human rights activist
isa ring environmental activist
ako rin ay animal rights activist

kaya ninais kong mag-vegetarian
ngunit na-COVID noong kasagsagan
ng pandemya, at ako'y pinayuhan
ng ninang na ito muna'y tigilan

para sa protina, magkarne ako
kaya ang payo niya'y sinunod ko
bagamat paminsan-minsan lang ito
ngunit madalas, isda't gulay ako

II

hayskul ako'y nakasama sa dula
pamagat ay Brother Sun, Sister Moon nga
lahat ng buhay dapat makalinga
yaong aral ni St. Francis sa madla

kaya masakit na mabalitaan
isang aso'y napagtripan ninuman
limang pana'y pinatagos sa laman
ay, kawawa ang kanyang kalagayan

dahil ba ngalan ng aso ay TikTok
kaya napagtripan ng mga bugok?
ang ginawa nila'y gawaing bulok
at talaga namang di ko malunok

may karapatan din ang mga aso
na dapat ipagtanggol din ng tao
bilang animal rights activist ako
ay dapat managot ang mga loko

III

inaamin ko, nakapatay ako
noon ng manok sa palad ko mismo
pagtirik ng mata'y nasaksihan ko
nakonsensya, ayaw ulitin ito

noong ako'y bata, aso'y pinatay
ng lasenggero't nasaksihang tunay
niluto't pinulutan nilang tambay
tanda ko iyon, di na napalagay

tumagos nga ang aral ni St. Francis
kaya di ko mapatay kahit ipis
ako na nga'y animal rights activist
na sa buhay ay di dapat magmintis

- gregoriovbituinjr.
02.27.2025

* ulat mula sa GMA News, 02.26.2025
* mababasa ang ulat sa mga sumusunod na kawing: