Linggo, Enero 15, 2023

Minsan

MINSAN

minsan, nang magbakay ng sasakyan
ay aking nakatagpo si pinsan
doon kami'y nagkakumustahan
hanggang magyaya siyang inuman

dahil kayrami pang lalakarin
ay tumanggi sa yaya sa akin
sa susunod na lang, sabi ko rin
at akong bahala sa inumin

dumating ang dyip, siya'y sumakay
habang ang ruta ko'y hinihintay
patuloy lang akong nagbabakay
nang may binibining nakasabay

kaysarap ng aking pakiramdam
tila nawala ang dinaramdam
para bang problema ko'y naparam
animo nais kong magparamdam

mabuti't dumating na rin ang dyip
nang makatapat siya't mahagip
ng mata kong nais nang umidlip
ah, siya'y isa lang panaginip

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Nais ko nang umuwi

NAIS KO NANG UMUWI

nais ko nang umuwi sa bayan kong tinubuan
na kaytagal na panahon ding di ko nagigisnan
upang madalaw ang mga kapatid ko't magulang
kumustahin sila't kina ina'y magbigay-galang

kaytagal kong asam ang muli naming pagkikita
lalo ang pagpapalitang-kuro namin ni ama
kapwa retiradong empleyado sila ni ina
habang ako'y isang mapagpalayang aktibista

nahasa ako noon sa mga sermon ni inay
at sa pangaral ni itay na aking naging gabay
bilin nilang kung anong gusto ko'y magpakahusay
dahil ako ang pipili nitong ikabubuhay

pinili kong magpakahusay bilang manunulat
maging makata't sa maraming isyu'y nag-uulat
maging aktibistang sa mga api'y nagmumulat
nang lipunang makatao'y itayo nilang sukat

nais kong umuwi, tulad ni Rizal sa Calamba
tulad ni Bonifacio, na pinaslang ng kuhila
nais kong umuwing kasama'y manggagawa't dukha
nais ko nang umuwi sa kamay na mapagpala

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Pagmumuni

PAGMUMUNI

di ko hintay na magnaknak ang sugat ng salita
habang iniinda ang sariling galos at iwa
di ko hintay magdugo muna ang noo ko't diwa
upang mapiga't kumatas ang asam na kataga

di tahimik gayong ang hanap ko'y katahimikan
sa kapaligirang punong-puno ng sigalutan
di payapa gayong ang hanap ko'y kapayapaan
ng puso't diwang umaasam ng kaginhawahan

ninanais kong madalumat ang ibig sabihin
ng karanasan sa mga madawag na landasin
ng karahasan sa mundong ginagalawan natin
ng karaingan ng maraming naghihirap pa rin

anong kawastuhan sa gawang pagsasamantala?
upang bumundat pang lalo ang tiyan nila't bulsa
ang mga api ba'y may aasahang santo't bida?
gayong may magagawa kung sila'y magsama-sama

nadarama rin ba natin ang sugat ng daigdig?
dahil tila ba ito'y halos mawalan ng pintig?
sapat ba ang salita sa tula upang mang-usig?
o mga api'y magsikilos na't magkapitbisig?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023