Ilang pahayag hinggil sa salin:
Hindi
lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang
kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang
Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano
sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896),
V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni
Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona
nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula
sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit.
Noong
high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami
noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes.
Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't
pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang
ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong
gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila,
sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang
awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may
labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo.
Narito ang dalawang saknong na tulang Mi Abanico ni Bonifacio at ang aking pagkakasalin:
MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio
Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.
El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.
ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio
salin mula sa wikang Kastila ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.
Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid