Sabado, Oktubre 3, 2009

Hampas ng Langit

HAMPAS NG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sadyang kaytindi kung humagupit
ang ating puso'y tila pinunit
ramdam na tunay ngang nagagalit
at sa tao'y biglang nagmalupit

marami nang buhay ang sinungkit
dahil sa unos na humaginit
marami ring namatay na paslit
at marami na ring mga bakwit

parang mawawalan ka ng bait
pag ganito ang iyong sinapit
sadyang kaytitindi ng pasakit
at maririnig ay pawang impit

kaya ang tanong natin ay bakit
tayo'y hinahampas na ng langit
dahil ba gawain nati'y pangit
kaya siya ngayo'y naghihigpit

II

marami nang hindi mapakali
dahil sa ganitong pangyayari
kalikasan ay sadyang kaytindi
tila sa tao'y naghihiganti

ang buhay nati'y biglang nagbago
nang dumaan ang dalawang bagyo
sadyang kayrami nang apektado
nawa'y makaraos pa rin tayo

anumang problema ang magdaan
ay dapat lang nating paghandaan
lalo na itong pamahalaan
nang mga sakuna'y mabawasan

kaya dapat na tayong mag-usap
upang magtulungan at magsikap
hampas ng langit ay mahaharap
kung may paghahanda tayong ganap

Unos ng Dusa

UNOS NG DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Sadyang kaytindi ng nagdaang unos
Pagkat iwing puso'y nanggigipuspos
Sa mga kalagayang kalunos-lunos
Tila di na ito matapos-tapos

Inanod na kahit mumunting gamit
Habang ang unos ay nagmamalupit
Mga humihikbi'y walang masambit
Kundi matigil ang ngitngit ng langit

Pagkat tunay ngang pawang pagdurusa
Ang naranasang ng kayraming masa
Nais nilang hirap ay matapos na
Nang bagong simula'y harapin nila

Sala sa Init, Sala sa Lamig

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sala sa init, sala sa lamig
tag-araw ngunit nangangaligkig
sa ginaw ang butong nanginginig
para bang yelo ang dinadaig

sala sa lamig, sala sa init
ang panahon ay nakakabwisit
ang buhay natin ay nasa bingit
tayo'y tiyak nang magkakasakit

dahil nagbabago ang panahon
kaya marami'y nagkakasipon
nagbabaga ang araw kahapon
at biglang taglamig naman ngayon

dapat nating pag-aralan ito
bakit nangyayari ang ganito
bakit panahon ay nagbabago
at marami tayong apektado

sala sa lamig, sala sa init
buhay na'y nagkakasabit-sabit
imbes maalwan, pulos pasakit
parang sistema'y wala nang bait

sala sa init, sala sa lamig
dahil daw ito sa global warming
tayo ngayon ay dapat makinig
nang sa klima'y di tayo mapraning

dapat natin itong intindihin
nang malaman din ang dapat gawin
pagkat kayhirap itong tiisin
lalo na ng mga anak natin

at kung di tayo kikilos ngayon
kawawa ang bagong henerasyon
alamin kung ano't sinong rason
at pagbayarin ang mga iyon

Bawat Patak ng Tubig

BAWAT PATAK NG TUBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Bawat patak ng tubig ay buhay
Pantighaw ito ng ating uhaw
Gamit sa pagluluto ng ulam
Upang gutom natin ay maibsan

Mahalaga ang patak ng tubig
Araw-gabi tayo dito'y sabik
Sa paliligo at sa tag-init
Ay nais ng tubig na kaylamig

Ang tubig ay serbisyo sa tao
Bawat isa'y kailangan ito
Ngunit pag ito'y naging negosyo
Ay wala na ang karapatan mo

Dahil ang tubig na'y binabayaran
Bibilhin mo na ang karapatan
Sa tugon sa iyong kauhawan
Ang libreng tubig na lang ay ulan

Kaarawan ng Makata sa Bangkok

KAARAWAN NG MAKATA SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dito sa Bangkok, sa lamig ng gabi
ako'y mag-isang nagmumuni-muni

habang isang serbesa yaong tangan
nagdiriwang ng aking kaarawan

iniisip pamilya sa malayo
iniisip magandang sinusuyo

malamig ang gabi dito sa Bangkok
tangan ang serbesa'y panay ang lagok

habang daigdig pinagninilayan
climate change dito'y pinag-uusapan

mag-isa man ako ritong tumagay
sana pinuntahan dito'y tagumpay