buhay na bibitin-bitin
ay laging pakaisipin
di dapat sising alipin
kundi tayo'y kawawa rin
magsikap lagi't magsikap
pagkat daig ng maagap
ang masipag, kung mangarap
tayo'y dapat may paglingap
isang kahit, isang tuka
ang buhay ng maralita
nawa'y huwag matulala
pag kahirapa'y lumala
wala mang kasiguruhan
ang buhay ng mamamayan
suriin mo ang lipunan
pati na pamahalaan
bakit ba may asindero
bakit may kapitalismo
nasaan ang pagbabago
bakit may uring obrero
kanilang pinanatili
ang pribadong pag-aari
kaya mayama'y nagwagi
at mga dukha'y pighati
kaya dapat maghimagsik
kung ayaw mata'y tumirik
rebolusyon na ang hibik
laban sa mga suwitik
pangarap nating sumaya
tila may bagong pag-asa
itatayong sama-sama
ang lipunan nitong masa
- gregbituinjr.
Martes, Mayo 12, 2020
Kwento ng pagkamulat
nagisnan ko ang liwanag sa aking mga mata
mula sa pagkahimbing ay dumatal ang umaga
tila sikat ng araw ay panibagong pag-asa
habang kinakaharap ang laksang pakikibaka
namulat akong di magkapantay ang kalagayan
ng samutsaring tao sa kinagisnang lipunan
tanong ko: bakit may mahirap, bakit may mayaman
sistema'y inaral upang di magulumihanan
di ko mawari bakit ganito sa bayan natin
dapat ang lipunang ito'y suriin at baguhin
mayaman ang mapagsamantala't mapang-alipin
gayong dukhang inaapi'y mga kapwa tao rin
"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila
dahil dito'y hinanap ang diwang mapagpalaya
hanggang aking makasama ang uring manggagawa
nagsuri't aking natutunan ang kanilang layon
sila pala'y may dakilang papel upang bumangon
ang mga api't pinagsasamantalahang nasyon
prinsipyo ng uring manggagawa, ito ang tugon
dahil sa kanila'y namulat ako't naririto
prinsipyo't misyon ng uring obrero'y niyakap ko
at aming itatayo ang lipunang makatao
salamat sa nagmulat sa akin, mabuhay kayo!
- gregbituinjr.
Kwento ng pagkabulag
nawala na ang liwanag sa aking mga mata
di na mapagmasdan ang mga tanawing kayganda
di na rin masilayan ang magagandang sagala
ang mga nasa isip ay di na rin maipinta
pakiramdam ko, tila ba daigdig na'y nagunaw
pati pakikipagkapwa tao'y di na matanaw
na panlipunang hustisya'y may tarak na balaraw
totoo pa'y kayraming batang sa tokhang pumanaw
di ko lubos maisip bakit dapat pang mabulag
gayong mata'y iningatan lalo't nababagabag
kayraming krimeng naganap at batas na nilabag
pati na karapatang pantao'y pupusag-pusag
buti't bulag na di kita ang karima-rimarim
na pulos krimen, pagpaslang, korupsyon, paninimdim
sakaling makakita muli't di sanay sa dilim
nawa'y may hustisya pa rin sa kabila ng lagim
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)