Martes, Agosto 10, 2021

Gulitan

GULITAN

isa na namang saliksik hinggil sa mga kwento
sa katutubong panitikang dapat malaman mo
may tinatawag na GULITAN na wikang Bagobo
na mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino

koleksyon ng tradisyunal na kwento ang GULITAN
na mas sanay tayong tinatawag na "kalipunan"
o kaya'y "antolohiya" sa ating panitikan
saliksik na ito'y tunay na kaygandang malaman

upang ito'y magamit na't ating sinasalita
at di na lang nakatagong parang patay na wika
na kung sakali mang may gulitan kayong nakatha
ay gamiting kusa sa aklat na ilalathala

upang mabatid ng madlang may gulitan kang handog
ipakilala ang gulitan, sa masa'y iluhog
salita sa panitikang gawin nating malusog
na bawat gulitan ay panitikang iniirog

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021

- mula sa pahina 413 ng nasabing diksiyonaryo

Pagiging mapamaraan

PAGIGING MAPAMARAAN

di na sapat ang pambili sa katabing tindahan
ngunit matatag pa rin ang aktibistang Spartan
tipid na tipid sa almusal at pananghalian
lalo't patuloy ang lockdown sa mga pamayanan

itinula lang ngunit di upang magmakaawa
kundi ilarawan ang nangyayari't nagunita
pinapasok man ay karayom ng pagdaralita
subalit di maaaring laging nakatunganga

ginagawan ng paraan ang bawat suliranin
pagkat nananatiling matatag ang diwang angkin
habang nagpapatuloy sa yakap na simulain
habang nakikibaka upang kamtin ang mithiin

tulad kong aktibistang Spartan ay di matinag
ng mga problemang anupa't nakababagabag
matapos ang unos, araw din ay mababanaag
at bagong umaga'y kakaharaping anong tatag

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021

Hasain ang isip

HASAIN ANG ISIP

di man madalumat ang sumusong alalahanin
ay patuloy na sinasalsal ang bawat isipin
sa matematika'y nasasagot ang suliranin
tulad ng nakaambang kagipitang lulutasin

ngunit may panahon pa ring sanayin ang isipan
magbasa-basa ng samutsaring isyu ng bayan
saliksikin at alamin ang bawat kasaysayan
magsagot ng sudoku't iba pang palaisipan

harapin ang mga problemang di natutulala
tulad ng chess, may sulong na mahahanap ding sadya
at makakarating din tayo sa sagot na tama
habang binabasa natin ang samutsaring paksa

dahil di dapat mabuhay na laging nakalugmok
na nangyayari'y tinatanggap lang at nilulunok
dapat pa ring pairalin ang tiyaga't tumutok
upang lutasin ang problemang di agad matumbok

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021

Pagtawid sa guhit

PAGTAWID SA GUHIT

matagal pa upang tawirin ang guhit
at maiwasan ang ngitngit ng mabait
na Bathala sa lupa ng mga paslit
na nasa isip ang marangal na dalit

nagninilay-nilay sa gabing pusikit
at patuloy pa sa umagang sumapit
agila'y nag-aabang ng madadagit
dahil sa gutom, isang bata'y nang-umit

batid ko ang pagsasamantala't lupit
ng sistemang ang dulot sa madla'y gipit
manggagawa'y nagtatrabaho sa init
sa barberya'y kaymahal na rin ng gupit

kung maghihimagsik man ang maliliit
ay unawain anong nais makamit
karapata'y ipagtatanggol nang pilit
at panlipunang hustisya'y igigiit

luto'y di maganda, ang karne'y maganit
may di sapat ang timpla pagkat mapait
tulad ng karanasang di mo mawaglit
nang bata'y may tinapay muling pinuslit

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021

Mangga't santol sa pananghalian

MANGGA'T SANTOL SA PANANGHALIAN

mangga, santol at bagoong ang minsan ay pang-ulam
na maganda't mayroon sa katabing tindahan lang
lalo ngayong may lockdown, walang basta makainan
buti't mayroong bungang nakabubusog din naman

ihanda ang pagkain bago sa mesa lumusob
kunin ang kutsilyong matalas, simulang magtalop
ng mangga't santol, at gayatin sa nais mong hubog
pinagbalatan ay ilagay sa lupa, pang-compost

ihalo na ang bagoong, simulan nang kumain
kaysarap pa nito sa mainit-init na kanin
paalala, buto ng santol ay huwag lunukin
mahirap na kung sa lalamunan mo'y makahirin

simpleng pagkain habang wala pang salaping sapat
upang makabili ng litsong, ah, nakabubundat
mabuti pa ang mangga't santol sa panahong salat
kaysa umasa sa ayuda't mamatay ng dilat

- gregoriovbituinjr.
08.10.2021