Huwebes, Oktubre 29, 2015

Hustisyang Pangklima, Ngayon na! Ngayon Na!


HUSTISYANG PANGKLIMA, NGAYON NA! NGAYON NA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Hustisyang Pangklima, Ngayon na! Ngayon Na!
ang sigaw ng sambayanan sa kalsada
bukas ng salinlahi'y pineprepara
bukas na wala nang pagsasamantala
maysala'y panagutin sa gawa nila
nang sinira ang kalikasang kayganda
panahon nang baguhin itong sistema
at dinggin na ang panawagang hustisya!

II

Climate Justice Now! Mga Kapatid!
ito'y dapat nating ipabatid
upang di tayo basta mabulid
sa kapahamakang sasalabid
harapin natin bawat balakid
at Climate Justice na'y maihatid

Parang kampana ang mga trapo

PARANG KAMPANA ANG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

parang kampana ang mga trapo
pangako doon, pangako dito
sila ba'ng tatangan sa gobyerno?
magsisilbi bang tunay sa tao?

ang mga trapo'y parang kampana
paulit-ulit ang nginangawa
kaya tao'y walang napapala
sa trapong di magsilbi sa madla

ipasesemento ko ang daan
pagagandahin ang kabuhayan
pauunlarin ko ang lipunan
kada elekyon, pangako iyan

kalembang, kalembang, manunuyo
kalembang, masa'y muling sinuyo
kalembang, inulit ang pangako
kalembang, muli itong napako