Miyerkules, Mayo 10, 2023

Bantay sa gabi

BANTAY SA GABI

ang pusa ba, tulad ng aso, ay bantay sa bahay?
o siya'y nag-aabang lang ng dagang sasalakay?
sa mga tirang pagkain pagkat iyon ang pakay
na pilit bubuksan ang mga tinaklubang tunay

o tulad ng daga, ang pusa'y bantay-salakay din?
makalingat ka lang, tira mong isda'y tatangayin
daga'y uunahan nila sa anumang pagkain
ano kaya malamang ang tiyak nilang gagawin?

mga pagkain, kung walang ref, ay takluban mo lang
kung di tangayin ng pusa, kalaban nama'y langgam
saan ka man sumuling, pinagkakainteresan
ang natirang kakainin mo pa kinabukasan

hayaan na nating nariyan ang inahing pusa
kahit paano'y di maglalaro ang mga daga

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

Mayo 10, 1897

MAYO 10, 1897

isang araw matapos ang kaarawan ni Oriang
ang kanyang mister naman ay walang awang pinaslang
ng alagad ng diktador, tila bituka'y halang
ang posisyon ng Supremo'y di man lang iginalang

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

marahil nasa isip niyang baka napahamak
na kung mababatid niya'y sadyang nakasisindak
ang Supremo, ayon sa ulat, ay pinagsasaksak
at marahil si Oriang ay walang tigil sa iyak

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

anong lungkot na salaysay para sa Lakambini
kasama sa kilusan ang sa Supremo'y humuli
kapwa Katipunero pa ang pumaslang, ang sabi
at kasangga pa sa paglaya ng bayan ang imbi

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

* litrato mula sa google

Sa gitna ng init ng araw

SA GITNA NG INIT NG ARAW

maalinsangan ang panahon
O, irog, ingat tayo ngayon
wala pa naman tayong payong
baka balat nati'y masunog

fifty Celsius na raw ang init
sa ulat sa radyo'y sinambit
O, diwata kong anong rikit
baka init na'y makapangit

pagkat nagbago na ang klima
na gawa ng maling sistema
fossil fuel, coal, at kapara
na dapat matigil talaga

panahon kanina'y kulimlim
subalit biglang init na rin
ah, lakad na'y dalian natin
nang umabot tayo sa lilim

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

Tanagà sa aklasan

TANAGÀ SA AKLASAN

may reklamong pabulong
ang mga nasa unyon
tanabutob ngang iyon
pag-usapan na ngayon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023