Miyerkules, Marso 16, 2022

Salin at sipnayan

SALIN AT SIPNAYAN

ang matematika ay sipnayan
ang geometry naman ay sukgisan
set algebra ay palatangkasan
habang algebra ay panandaan

arithmetic naman ay bilnuran
habang ang calculus ay tayahan
istatistika'y palautatan
trigonometriya'y tatsihaan

ang pisika pala ay liknayan
habang ang chemistry ay kapnayan
ang hydraulics ay danumsigwasan
pneumatics ay buhagsigwasan

salin ng integral ay laumin
differential naman ay tingirin
qualitative chemistry'y uriin
quantitative chemistry'y sukatin

ang isakay pala'y monomial
duhakay naman ay binomial
habang talukay ay trinomial
damikay naman ay polynomial

ang sampung sanlibo ay sanlaksa
ang sampung sanlaksa ay sangyuta
ang sangmilyon ay sang-angaw sadya
sampung milyon ay sangkati na nga

sangbahala ang sandaang milyon
sanggatos naman ang isang bilyon
sang-ipaw naman ang isang trilyon
halina't aralin ito ngayon

pagsasalin ng numero't paksa
sa wikang Filipino, pambansa
aralin ng tulad kong makata
nang magamit sa bawat pagtula

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

Labandero

LABANDERO

ako'y labandero sa tahanan
gawain kong sadyang kailangan
dahil may-asawa na'y gampanan
ang gawaing nararapat lamang

mga labada'y iniipon ko
pag may oras, lalabhan na ito
sisimulan sa tabi ng poso
at magkukusot-kusot na ako

batya'y lalagyan ng tubig doon
habang pulbos o baretang sabon
ang aking gagamitin paglaon
sa tshirt, kamiseta, pantalon

gawa'y kusot doon, kusot dito
sa tshirt, kusot-kusot ng kwelyo
ang damit ni misis sa trabaho
mga panty, bra, brief, medyas, sando

babanlawan ng apat na beses
at isasampay ko ng mabilis
mabuti't natutuwa si misis
lalo't pag natuyo'y anong linis

bilang mag-asawa'y pagsisilbi
kay misis kaya minsan ay busy
di lang labhan ang barong sarili
kay misis din, magkatuwang kami

ako'y labandero sa tahanan
buong pamilya'y pagsisilbihan
maglalaba na kung kailangan
upang may masuot sa lakaran

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

Asam nila'y paglaya

ASAM NILA'Y PAGLAYA

kita natin ang maganda nilang nilalayon
"Ipanalo ang paglaya ng kababaihan!"
"Sagipin ang bayan mula sa diskriminasyon
at karahasan!" anong tindi ng panawagan

subalit bakit gayon? dahil ba sila'y api?
mabibigat ang danas, asawa'y nanggugulpi?
second class citizen ba ang tingin sa sarili?
turing ng sistemang patriyarkal sa babae?

"sa karahasan at diskriminasyon, sagipin
ang bayan!" suriin mo't panawagang kaylalim
di ba't sila'y kalahati ng daigdig natin?
tayong sa kanilang sinapupunan nanggaling!

samahan natin sila sa kanilang adhika
upang ipanalo ang asam nilang paglaya
palitan na ang sistemang bulok at kuhila
ng lipunang makatao't bayang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

* litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Pagdalaw sa nayon

PAGDALAW SA NAYON

minsan, dumalaw kami sa nayon
ng maralitang may dalang layon
kami'y nagbigay ng edukasyon
paksa'y karapatan isang hapon

karapatan nila sa pabahay
ay pinag-aralan naming tunay
karapatang pantao'y matibay
na pundasyon ng dangal at buhay

kaya kami nama'y nalulugod
na karapatan ay itaguyod
dukha'y di madulas sa alulod
ng dusa't luhang kapara'y puntod

kundi mabuhay nang may dignidad
may kaginhawahang hinahangad
ang mabuhay nang di nagsasalat
kundi kabuhayan nila'y sapat

iyan din naman ang panawagan
ng kandidato sa panguluhan
at line up ng "Manggagawa Naman"
palitan ang bulok na lipunan

baguhin na ang sistemang bulok
walang trapong sa talino'y bugok
sa bulsa ng bwitre'y nakasuksok
na sistema'y nakasusulasok

masugpo na ang trapo't hunyango
at sistemang bulok na'y maglaho
lipunang makatao'y matayo
sa buong bansa, sa buong mundo

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022