NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS
sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala
kada Bagong Taon, kaytitinding paputok
nasabugan, may mga daliring nawala
sino bang sa ganitong isyu nakatutok?
dapat nang ang ganitong sistema'y matigil
may ginagawa na ba ang pamahalaan?
na pagpapaputok ay tuluyang mapigil?
mabawasan, kundi man, wala nang masaktan?
may isang lalaking nasabugan ng kwitis
na ayon sa ulat ay agad na namatay
matinding pinsala ang tinamong mabilis
sa ganyang kalagayan, ikaw ba'y palagay?
anong gagawin upang di mangyaring muli?
at maiwasto ang ganyang pagkakamali?
- gregoriovbituinjr.
01.08.2025
* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, 6 Enero 2025, tampok na balita sa pahina 1 at 2
Miyerkules, Enero 8, 2025
Balik ospital
kahit mga tibak na Spartan
ay marunong din namang masaktan
nadudurog ang puso't isipan
tila may tinik sa lalamunan
nasa ospital na naman kami
ni misis na kaytaas ng BP
narito sa ospital sa QC
mula pa ng hapon hanggang gabi
nakauwi ng madaling araw
habang tulog ko nama'y kaybabaw
at nararamdaman ko ang ginaw
paggaling niya sana'y matanaw
tinungo nami'y public hospital
mahirap sa private na kaymahal
sa presyo, ako na'y nangangatal
tila tanggap ko'y sanlibong buntal
- gregoriovbituinjr.
01.08.2025
* nagtungo sa QC General Hospital ng enero 7, 2025 ng ikaapat ng hapon si misis, at tinawagan niya ako upang magtungo roon, ikaanim ng gabi na ako nakarating mula sa pasig, kinabukasan na ng alas tres ng madaling araw kami nakalabas at nakauwi ng bahay
* 49 na araw at gabi kami sa silid 3437 ng St. Luke's Hospital mula oktubre 23 hanggang disyembre 10, 2024, na ang hospital bill ay umabot ng halos tatlong milyong piso
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)