Sabado, Hulyo 4, 2020

Largabista

plano kong bilhin ay isang matinding largabista
at sumapi sa samahang meteorolohiya
upang pag-aralan ang kalawakang anong ganda
at maitula rin ang mga ito sa tuwina

posisyon ng Big Dipper at Orion's Belt ba'y nahan?
kayraming buwan daw ng Jupiter, ito ba'y ilan?
Pluto'y di na planeta, alam mo ba ang dahilan?
Mars daw ay mararating na ng tao... ows! kailan?

di lang magbasa-basa, tingnan din sa teleskopyo
upang Alpha Centauri'y makita nating totoo
tunay nga ba ang sinabi noon ni Galileo
sa Araw umiikot ang mga Buntala't Mundo?

pag-aralan ang kalawakan, largabista'y bilhin
tuwing gabi, buong kalawakan ay galugarin
masdan mo ang buwan kung may sundang nga itong angkin
at baka may pag-ibig sa pagkislap ng bituin

- gregbituinjr.

Disenyo ko ng tshirt

ako'y nagdisenyo ng tshirt na magandang masdan
ang sulat: "I'm a vegetarian and a budgetarian"
na susuutin ko sa mga piging o handaan
upang ang sarili na rin ay paalalahanan

lalo't pinipigilan ko nang kumain ng laman
o karne ng manok, baboy, kambing, o anupaman
bagamat paminsan-minsan ay di rin mapigilan
ang kumain ng paboritong pork chop sa restawran

maging vegetarian, pulos gulay ang kakainin
bagamat para sa protina'y mag-iisda pa rin
upang lumusog ang pamilya'y ginawang tungkulin
kalusugan ng bawat isa'y laging iisipin

maging budgetarian, di lang dahil sa kwarantina
magtipid-tipid na rin lalo't mahirap kumita
sa ngayon tanging sa sariling diskarte aasa
ang tatak sa tshirt na ito'y laging paalala

- gregbituinjr.

Paggupit ng naipong plastik

muli na namang maggugupit ng naipong plastik
upang sa mga boteng plastik ay agad isiksik
patitigasing parang hollow block, ie-ekobrik
maggugupit-gupit pa ring walang patumpik-tumpik

sino bang mag-aakalang ako'y makakarami
na ito'y ginawa nang walang pag-aatubili
naggugupit habang nagninilay, di mapakali
gayunpaman, ang gawaing ito'y nakawiwili

basta maraming naipong plastik, gagawin agad
habang sariling ekonomya'y di pa umuusad
habang sa isip, kung anu-anong ginagalugad
habang naninilay na mundo'y nagiging baligtad

naggugupit, nagninilay, pagkat walang magawa
mahirap namang sa lockdown ay walang ginagawa
naggugupit, nagninilay, huwag lang matulala
gupit ng gupit, nilay ng nilay, tula ng tula

- gregbituinjr.

Dagsip

may katawagan palang katutubong Filipino
sa matematika'y magagamit nating totoo
halina't itaguyod ang katawagang ganito
sa tula, dagli, ulat, sanaysay, maikling kwento

titik 0 ang dagsip sa wala, 1 para sa isa
2 sa dalawa, 3 sa tatlo, 5 naman sa lima
4 sa apat, 6 sa anim, pito'y 7, ano pa
8 sa walo, 9 sa siyam, bata pa'y tinuro na

korteng kurus ang dagsip sa pagdagdag o adisyon
gitling naman ang dagsip sa pagbawas o subtraksyon
ekis naman ang dagsip para sa multiplikasyon
tutuldok-gitling o guhit-pahilig sa dibisyon

dagsip, oo, dagsip ang tawag sa mga simbolo
o markang ginamit para sa bilang o numero
salitang Hiligaynon, may magagamit na tayo
sa aritmetika't mga paksang kaugnay nito

o, dagsip, na sa aming diwa't puso'y halukipkip
naroon ka sa ekwasyong tuwina'y nahahagip
kung labis o kulang ay tinitimbang, sinisilip
ikaw ang sagisag ng sipnayang dapat malirip

- gregbituinjr.

* dagsip - salitang Hiligaynon; simbolo o markang ginagamit para sa mga bilang o numero, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 251
* sipnayan - wikang Filipino sa matematika