Miyerkules, Mayo 28, 2025

Elepante pala'y gadyâ

ELEPANTE PALA'Y GADYÁ

elepante'y naroon sa kalapitbansa 
at nasa zoo lang sila pag nasa Maynila
subalit may katumbas sa sariling wika
ang elepante na tinatawag na gadyâ

naalala ko tuloy ang isang pabula
may ilang bulag na nakarinig sa gadyâ
nais nilang mabatid ano itong sadya
kaya nasabing gadya'y kanilang kinapa

nahipo ng isa'y buntot, lubid daw ito
sa kumapa sa tenga, ito'y abaniko
sa nakahawak sa pangil, sibat umano
sa humaplos sa tagiliran, pader ito

nagbalitaktakan sila kung sinong wasto
na pananaw ay magkakaibang totoo
nilarawan ay pinaniwalaang todo
parehong bagay ngunit magkaibang kwento

- gregoriovbituinjr.
05.28.2025

* larawan mula sa AlpabeTUKLAS ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Katáw

KATÁW

sa mga kwento'y mayroong katáw
na sa mitolohiya'y nahalaw
na kahulugan pala'y sirena
subalit di wangwang sa kalsada

babae ang bahaging itaas
na marahil kayganda't kaylakas
bahaging ibaba nama'y buntot
ng isda na animo'y kaylambot

katáw na isang bagong salitâ
sa akin, magagamit sa tulâ,
pabulâ, sanaysay, dagli, kwento
isama sa pagkatha sa mundo

mula wikang Sebwano't Aklanon
na mabuti ring magamit ngayon
salamat sa Salit-Salitaan
sa bigay na dagdag-kaalaman

- gregoriovbituinjr.
05.28.2025

* larawan mula sa kwfdiksiyonaryo.ph ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)