Martes, Hulyo 13, 2021

Martes Trese at Biyernes Disisyete

MARTES TRESE AT BIYERNES DISISYETE

mayroon palang taong talagang mapamahiin
may kinatatakutan bukod sa Friday the Thirteenth
aba'y nariyan ang sinasabing Tuesday the Thirteenth
at takot din sila sa petsang Friday the Seventeenth

anong pinagmulan ng ganitong paniniwala
malas daw ang trese sa bansang salita'y Kastila
ang Martes ay mula kay Ares, ang diyos ng digma
digma'y negatibo't may namamatay, nagluluksa

sa Italyano'y malas ang Biyernes Disisyete
habang sa kanila'y swerte itong numero trese
mga paniniwalang dapat nating isantabi
petsa ba ang bahala kung anong malas o swerte?

walang araw ng kamalasan kung pag-iisipan
tulad ng itim na pusang nakita mo sa daan
kung pusa ay itim, ito ba'y kanyang kasalanan?
o namana ang kulay sa kinagisnang magulang?

may patalastas noon, bawal magwalis sa gabi
kaya nararapat daw gawin, ibalik ang swerte
swerte bang matatawag ang mga naipong dumi
kaya di winalisan ang maagiw na kisame

ang pamahiin ay paniniwalang sinauna
na mula sa kalikasan ang suliranin nila
ngunit ngayon, mapagsuri sa paligid ang masa
at inaaral nila ang lipunan at sistema

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala mula sa  Pilipino Star Ngayon, Hulyo 13, 2021, pahina 5

Bawal magyosi

BAWAL MAGYOSI

"No Smoking" ang nakasabit doong karatula
na alagaan ang kalusugan ang paalala
o huwag itapon doon ang upos na basura
dahil mga dahon ay baka magliyab talaga

mapagliliyab ba ang dahon ng may sinding upos
marahil kung malakas ang apoy na lumalagos
sa bawat dahong tila tanda ng paghihikahos
lalo't nalagas sa punong pinanahanang lubos

"Bawal manigarilyo!" o kaya'y "Huwag magyosi!"
na sa kalaunan ay upang di tayo magsisi
sinong malusog, sinong may kanser, sinong may tibi
marahil makasasagot lang ay ang mga saksi

naglagay ng karatula'y may dahilang malalim
bukod sa magandang lugar na may punong malilim
baka sa tingin niya, yosi'y karima-rimarim
na nagdudulot lang sa kanya ng abang panimdim

may nagyoyosi, may hindi, tayo'y magrespetuhan
lalo't malinis na hangin ay ating karapatan
sa iba, ang yosi'y sandigan ng kaliwanagan
ng isip kaya ito'y isang pangangailangan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pook niyang napuntahan

Sa gabing pusikit

napapagitnaan ng anumang di matingkala
ang paligid ng makatang nakapangalumbaba
mga alalahaning nakapapangambang sadya
lalo't kayraming nangaroroong nagsisiluha

asan na ba ang asam na panlipunang hustisya
para sa laksang kabataan at kanilang ina
may mga alulong na nagbabadya ng disgrasya
sa gabing pusikit na may kumikilos na iba

sa kwento, nilikha ko silang walang kamatayan
na kung api man sila'y patuloy na lumalaban
sa huli, sa mapang-api'y magwawaging tuluyan
subalit iba ang kwento kaysa katotohanan

pagkat ngayon sila'y nasa ilalim na ng lupa
at magpakailanman ay maninirahang pawa
ngunit aking ikukwento ang inang lumuluha
dahil para sa kanila, anak nila'y dakila

- gregoriovbituinjr.

Pagkalunod

PAGKALUNOD

minsan, sabik na sabik tayong maligo sa dagat
dahil maalinsangan, dadamhin ang tubig-alat
habang iniiwasang umatake ang pulikat
at dikya na nasa isip pa rin ang pag-iingat

dahil marami nang nadisgrasya sa pag-iisa
iba'y nangungulila sa kawalan ng hustisya
iba'y di na natantya ang pag-iwas sa sakuna
at nadadale ng minsanan, minsanang disgrasya

minsan, di lang sa tubig tayo nalulunod man din
kundi sa dami ng nagsulputang alalahanin
minsan, nalulunod tayo sa daming suliranin
na dapat lang pagtulungan upang ito'y lutasin

minsan sa pagsisid may kaharap palang panganib
di na napapansing ginagawa'y sariling yungib
sa masukal na kabundukan o malayong liblib
habang pinipilit itong kayanin niring dibdib

kayganda man doon sa laot na sinisisid mo
dahil may oksiheno'y nakukunan ng litrato
ngunit kung maubusan ng oksiheno'y paano
sakaling malunod nawa'y dumating ang saklolo

- gregoriovbituinjr.

* litrato ng balita mula sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon, Hulyo 13, 2021, pahina 9