Martes, Hunyo 18, 2024

Pagdalaw ng paruparong itim

PAGDALAW NG PARUPARONG ITIM

may paruparong itim na ligaw
nasok sa silid, biglang lumitaw
tanda ba iyon ng pagkamatay?
may namatay, o dalaw ng patay?

doon sa munti kong barungbarong
ang abang makata'y nagkukulong
na animo'y nilamon ng dragon
gayong alagata ang kahapon

bakit may itim na paruparo
sa mapamahiin, iba ito
ngunit sa akin ang pagkaitim
ay mana dahil ina'y maitim

tulad din ng Itim sa Aprika
dahil ba maitim, masama na
gayong ganyan ang kanilang kulay
na itim ang balat nilang taglay

naalala ko tuloy ang kwento
yaong Black Cat ni Edgar Allan Poe
ang masama, gumawa ng krimen
puti ang balat, budhi ay itim

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

Ang saklad o sakong ng palad

ANG SAKLAD O SAKONG NG PALAD

sa pagitan ng galang-galangan at palad
ang sakong ng palad o tawag nati'y saklad
pansin iyon pag sa balibol nakababad
kita paano maglaro ang mapapalad

na ipinanghahampas ng balibolista
sa saklad nila pinatatama ang bola
sinasanay nilang maigi sa tuwina
kaya kumakapal ang mga saklad nila

ganyan ang pagpalo ng Alas Pilipinas
na pag naglaro animo'y palos sa dulas
sa laro, hampas ng saklad nila'y malakas
habang nilalaro nila'y parehas, patas

sa ating mga balibolista, MABUHAY!
at kami rito'y taospusong nagpupugay!
ipakita pa ninyo ang galing at husay
at hangad namin ang inyong mga tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

Anong nararapat itapon?

ANONG NARARAPAT ITAPON?

saan dapat itapon ang mga basura?
dapat bang itapon sa ilog o kalsada?
saan itatapon ang pambalot ng tinapa?
lalagyan ng pandesal o mga delata?

paano ang mga basurang nabubulok?
itatapon bang tulad ng sistemang bulok?
susunugin ba ito't nakasusulasok?
huwag pagsamahin ang bulok sa di bulok?

paano itatapon ang bugok na trapo?
na katiwalian lang ang laman ng ulo?
ugaling palamara ba'y maibabato?
tulad ng tuso, sukab, gahaman at lilo?

sa daigdig ba'y tambak-tambak na ang plastik?
na kahit sa karagatan ay nakasiksik?
lulutang-lutang, anong ating mahihibik?
kikilos ba tayong walang patumpik-tumpik?

di magandang alaala ba'y matatapon?
tulad ng masasakit na danas mo noon?
o ituturing na aral ang mga iyon?
maitatapon ba ang danas ng kahapon?

paano rin kaya tayo wastong kikilos?
kung mga basura'y hinahayaang lubos?
bakit ba ang basura'y di matapos-tapos?
ay, sa basura'y mayaman tayo, di kapos!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect