Miyerkules, Setyembre 9, 2009

Copyleft

‎COPYLEFT
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod
‎
‎copyleft ang libro ko
‎dahil di naman ito
‎pag-aaring pribado
‎kundi para sa mundo
‎
‎ganyan ang sosyalista
‎prinsipyo'y pinakita
‎akda'y para sa masa
‎di sa kapitalista
‎
‎kaya bawat kong tula
‎aariin ng madla
‎kayraming halimbawa
‎ng pagkakawanggawa
‎
‎tulad ni Tim Berners Lee
‎na World Wide Web na'y libre
‎nabiyayaan dine'y
‎ang bayan, ang mundo, eh
‎
lagi kong nalilirip
ang dukhang masasagip
sa mundong nagsisikip
‎kaya libro'y copyleft

ibahagi ang alam
masa'y di pagdamutan
hayaang makinabang
ang buong daigdigan

Minumutya kita, O, diwata ng kagandahan

MINUMUTYA KITA, O DIWATA NG KAGANDAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Minumutya kita, O, diwata ng kagandahan
Ikaw ang nagpasigla sa buo kong katauhan
Kahit ako ma'y isang karaniwang mamamayan
Ang tulad ko'y binibigyan mo ng pag-asa, hirang!
Espesyal ka sa buhay kong napuno ng kasawian
Lagi kang nasa guniguni't aking panagimpan
Aalayan kita ng pagsintang saksi ang buwan
Gunawin man ang mundo'y narito ka sa isipan.
Ayokong mawalay ka sa piling ko, aking hirang
Nawa ating puso'y maging isa't tayo'y magdiwang
Darating ang araw, iisa na tayo ng hakbang
At tayo'y magniniig, bagong araw ang sisilang.