KUNG WALANG REBOLUSYONARYONG TEORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"Without revolutionary theory, there can be no revolutionary movement." - Vladimir Ilyich Lenin, What Is To Be Done?, “Dogmatism and ‘Freedom of Criticism’” (1902)
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang sangkap
upang matupad ang ating mga pinapangarap
ngunit kailangan ng kilusang katanggap-tanggap
sa masa, uring manggagawa't mga mahihirap
mahalaga ang teorya sa kilusang paggawa
pagkat ito'y tuntungan kung bakit dapat lumaya
rebolusyonaryong teorya'y pasulong na diwa
nang umangat itong antas ng ating pang-unawa
ito ang batayan bakit binuo ang kilusan
kung bakit may mga adhikang dapat ipaglaban
at organisahin ang pinagsasamantalahan
kung bakit may simulaing baguhin ang lipunan
may rebolusyonaryong papel itong manggagawa
sa ugnayan sa lipunan na tubo ang sumira
rebolusyonaryong teorya'y mahalagang diwa
upang pagkaisahin yaong manggagawa't dukha
kung wala ang rebolusyonaryong teoryang ito
walang prinsipyong tatanganan ang mga obrero
teoryang itong sumusuri sa kapitalismo
at landas patungo sa pangarap na sosyalismo
halina't rebolusyonaryong teorya'y namnamin
at ilapat sa lipunang dapat nating baguhin
sa takbo ng kasaysayan, ang dapat nating gawin
teoryang ito'y aralin, angkinin, pagyamanin
Huwebes, Enero 30, 2014
Kalayaan lamang, ayon sa Pahayag sa Arbroath
KALAYAAN LAMANG, AYON SA PAHAYAG SA ARBROATH
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"For we fight not for glory nor for riches nor for honour, but only and alone for freedom, which no good man surrenders but with his life." - isang pangungusap mula sa Pahayag sa Arbroath, Abril 6, 1320
libo man ang kalaban, at kami'y sandaan na lang
hangad pa rin namin ang paglaya ng iwing bayan
lalaban kami di para sa kaluwalhatian
di para sa kayamanan, di rin sa karangalan
di para sa sarili't tanging adhikain lamang
ay kalayaan, lumaban para sa kalayaan!
para sa paglayang hangad, kaytindi ng tinuran
ng mamamayang ayaw nang maghari ang dayuhan
pahayag na di sinasanto maging kamatayan
dugo man ay ibubo upang paglaya'y makamtan
ganyan kahalaga iyang paglaya kaninuman
buhay ma'y kapalit, ito'y pilit ipaglalaban
* Ang Pahayag sa Arbroath noong 1320 ay deklarasyon ng paglaya ng bansang Scotland laban sa pananakop ng Inglatera.

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)