Miyerkules, Hunyo 10, 2020

Di dapat magtila malamig na bangkay ang tula

di dapat magtila malamig na bangkay ang tula
dapat buhay na buhay ito sa babasang madla
aralin ang tono, imahe, pagsalita't wika
may talinghaga ba sa babasang makakagitla
o tahimik lang nanamnamin ang bawat kataga

ang tula'y di dapat magtila malamig na bangkay
na pag binabasa'y damang walang kabuhay-buhay
sa presentasyon ng tula'y dapat napagninilay
tulad ng sigaw mo pag biglang umuga ang tulay
pagbigkas pa lang o pagbabasa'y bigay na bigay

kaya madalas may inspirasyon din sa pagtula
ngunit mas mahalaga'y perspirasyon sa pagkatha
pag-isipan bawat saknong, taludtod at salita
at huwag basta-basta bira ng birang tulala
pagkat nililikha mo'y panghabambuhay na akda

- gregbituinjr.

Ang pagsusungit ng panahon

natatanaw mo ba ang pagsusungit ng panahon?
paano siya magsungit, nahan ang mukha niyon?
nakasimangot ba o nanggagalaiti iyon?
sa galit kaya nagsusungit na kapara'y leyon

di ko pa nakita ang nagsusungit niyang mukha
kundi kilos lang niyang nararamdaman kong lubha
ipinakikita ang ngitngit sa mga pagbaha
at sinumang tinamaan niya'y nakakaawa

kung magandang dalaga ang panahong nagsusungit
payag ka bang masungit man ay iibiging pilit?
kung siya'y liligawan mo, siya kaya'y babait?
paano kung nanggagalaiti siya sa galit?

pagsusungit ng panahon ba'y anong pahiwatig?
ayon sa agham ay banggaan ng init at lamig
ang mahalaga'y magtulungan at magkapitbisig
at sa tindi ng unos niya'y huwag padadaig

- gregbituinjr.

Preemptive strike ang layon ng Terror Bill

isang preemptive strike ang nakikita kong layon
kaya ang Terror Bill ay pinamamadali ngayon
nang matakot ang masang diskuntento sa sitwasyon
upang mapigil agad ang ala-Edsang rebelyon

dahil sa laksang kapalpakan ng gobyernong ito
sa COVID-19; pambansang utang na lumolobo;
sa malawakang krimeng pagpaslang, walang proseso;
sa pagkutya't paglabag sa karapatang pantao;

nais daw durugin sa bansa'y mga komunista
habang kinakaibigan ang komunistang Tsina
habang hinahayaang sakupin ng Tsina'y mga
isla ng Pilipinas, nakatunganga lang sila

bago pa makaporma ang masa'y pigilan agad
bago pa baho nila't katiwalia'y malantad
sinumang lalaban ay terorista, itong hangad
ng Terror Bill, bago pagkilos ng masa'y umusad

durugin agad anumang pag-aalsa ng masa
sa Terror Bill, ituring agad silang terorista
kaya preemptive strike ang Terror Bill, matakot ka
upang sa kapangyarihan ay manatili sila

desisyong pulitikal ang paghain ng Terror Bill
kahit ayaw mo'y sumunod ka, kung ayaw makitil
ang buhay, upang gagawin pa nila'y di mapigil
puri man ng bayan ay ilugso ng mga taksil

- gregbituinjr.