Lunes, Nobyembre 21, 2022

Hoy, kapitalista, magbayad ka!

HOY, KAPITALISTA, MAGBAYAD KA!

ang sulat sa plakard, "Trabaho, Hindi Bayad"
basahin mo, mabilis ang bigkas sa "Bayad"

kung mabagal ang bigkas, pinapipili ka
kung trabaho o bayad, alin sa dalawa

ngunit mabilis ang bigkas, naunawaan
ang trabaho ng obrero'y di binayaran

hindi makatarungan ang kapitalista
tanging hinihingi ng obrero'y hustisya

kaya panawagan ng mga manggagawa
bayaran ang trabaho't bayaran ng tama!

sa kapitalista, hoy, magbayad ka naman!
obligasyon sa obrero'y huwag takbuhan

pinagtrabaho sila, kaya magbayad ka!
at kung di ka magbabayad, magbabayad ka!

- gregoriovbituinjr.
11.21.2022

* Litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa DOLE, 11.21.2022

Ang Diyos ng Kapital

ANG DIYOS NG KAPITAL

ang kapitalista'y nagpapadasal
habang manggagawa nila'y kontraktwal
tila ba siya'y nagpapakabanal
habang manggagawa nila'y kontraktwal

limpak ang tubo ng mangangalakal
ngunit manggagawa pa ri'y kontraktwal
bilyon-bilyon ang tubong kinakamal
ngunit manggagawa pa ri'y kontraktwal

sa pabrika'y malimit magpamisa
upang umunlad pa raw ang kumpanya
ngunit doon sa loob ng pabrika
sa manggagawa'y mapagsamantala

lakas-paggawa'y di bayarang tama
sa trabaho'y lampas sa oras pa nga
lakas ng manggagawa'y pigang-piga
subalit sahod pa'y sadyang kaybaba

ganyan ang pagpapakatao't asal
ng mga kapitalistang marangal
ayaw pang iregular ang kontraktwal
obrero ma'y nagtrabahong kaytagal

binawi lang daw ng mangangalakal
ang mga ginastos nila't kapital
kahit manggagawa nila'y kontraktwal
maregular ito'y di itatanghal

- gregoriovbituinjr.
11.21.2022